Chavit

Chavit, nag-invest ng $100M sa South Korea

September 3, 2021 Ian F. Fariñas 291 views

Habang nagsu-shoot ang cast ng Ang Probinsiyano ni Coco Martin sa mala-palasyong bahay ni Mayor Chavit Singson sa tabing dagat sa Narvacan na halos katulad ng nagsisipaglakihang bahay ng mga super sikat na Hollywood personalities sa California, ang masipag at galanteng alkalde naman ay nasa South Korea para mag-invest ng tumataginting na $100 million doon.

Kakatapos lang pumirma si Mayor Chavit ng memorandum of understanding para sa $1.7 billion resort development project. Kasama ng butihing mayor ang Gangwon Province government, East coast Free Economic Zone Authority, Korea Investment & Securities Co. at Hyundai Asset Management Co.

Kasali sa proyekto ang pagpapatayo ng resort centers at ocean complexes sa Donghae City, na nasa 260 km silangang bahagi ng Seoul.

Plano rin ng LCS Group na pinamumunuan ni Mayor Chavit na bumili ng mga property para sa mga sariling business doon.

Ang LCS group ang pinakaunang Philippine company na nag-invest sa real estate development project sa South Korea.

Pagdating sa Pilipinas, ang group of companies ni Mayor Chavit ay nakatutok sa mining, transportation, defense, logistics at telecommunication towers.

Bukod sa pag-iinvest ng madiskarteng mayor sa South Korea, tinututukan din niya ngayon ang pagpapalagay ng solar panel para sa bagong parking lot ng public market sa bayan ng Narvacan Ilocos Sur.

Ang solar panel ang pagmumulan ng supply ng kuryente para sa charging stations ng electric jeepneys sa lugar na kanyang pinamumunuan.

AUTHOR PROFILE