Default Thumbnail

Caloocan Police District, panahon na para ipatupad

June 14, 2023 Edd Reyes 222 views

Edd ReyesHINOG na hinog na upang maging isang hiwalay na distrito ng pulisya ang Lungsod ng Caloocan tulad ng Quezon City at Maynila kung ang pag-uusapan ay laki ng populasyon at kabuuang lawak ng lupa.

Matagal ng panukala na ihiwalay bilang isang distrito ng pulisya mula sa Northern Police District (NPD) ang Caloocan subalit hanggang ngayon ay tila isang pangarap lamang ito na mahirap matupad bunga ng maraming kadahilanan.

Isa na rito ang kakailanganing malaking pondo upang matustusan, hindi lamang ang pagpapatayo ng kanilang punong himpilan, kundi maging ng mga Police Sub-Station na hanggang sa ngayon ay hindi pa nga makabitan man lamang ng sariling linya ng kanilang telepono.

Sabi nga ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, hindi lang pondo ang magiging problema kapag naisakatuparan na gawing isang distrito ng pulisya ang lungsod kundi problema rin ang magiging kakulangan ng puwersa ng kapulisan.

Hindi naman kaila na kinakailangang makaagapay ang dami ng kapulisan sa laki ng populasyon ng isang lungsod na may sariling distrito ng pulisya pero sabi ni Col. Lacuesta, hindi naman puwedeng hugutin ang karagdagang pulis sa NPD o sa National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matalaga sa lungsod kundi ang tamang paraan ay mag-recruit ng mga bagong pulis ang Pambansang Pulisya upang matustusan ang magiging kakulangan ng puwersa sa Caloocan,

Bukod dito, sinabi ni Lacuesta na kailangang nakaagapay ang ranggo ng pulisya sa uupuang puwesto sa isang distrito ng pulisya, kung saan dapat ay may ranggong Heneral ang District Director at Lt. Col. naman sa mga Station Commanders.

Siyempre, sa laki ng sahod ng mga naturang opisyal, dapat ay maglaan ng malaking pondo para rito.

Naungkat na muli ang panukalang gawing hiwalay na distrito ng kapulisan ang Caloocan matapos ihayag ni Col. Lacuesta ang plano ni Mayor Along Malapitan na tayuan na ng gusali bilang punong-himpilan ng pulisya ang kasalukuyang headquarters sa Sangandaan na tinupok ng apoy noong Nobyembre ng taong 2017.

Hinihintay na lamang ng alkalde ang pagsang-ayon ng Philippine National Railways (PNR) na nagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng headquarters ng Caloocan Police upang mapasimulan na ang pagtatayo ng gusali na pinaglaanan na ng pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.

Mga pagbati sa nalalapit at nakalipas na kaarawan

SABAY na magdaraos ng kani-kanilang kaarawan ngayon araw ng Huwebes, Hunyo 15 sina Bella Reyes Montesa at Joanne Dianne Viray Reyes, panganay kong kapatid na babae at manugang, ayon sa pagkakasunod, habang katatapos din lang magdaos ng kaarawan nitong Hunyo 13 si Edgardo Reyes, ang pangalawa naman sa anak kong lalaki,

Ang pagbati sa aking kapatid ay nais ding ipaabot ng kanyang mga anak na sina Abelaine, Vanessa at Salvacion habang ang mga anak na sina Eryanna at Erthea at asawang si Edward ang bumabati naman sa aking manugang. Ang anak na si Elizabeth at asawang si Jackie naman ang bumati rin kay Edgardo.

Isa ring pagbati sa nalalapit na kaarawan ng batikag mamamahayag na si Ismael “Ka Maeng” Santos ng pahayagang Bulgar sa araw ng Sabado, Hunyo 17, kasabay na ika-9 na anibersaryo ng gupong “Agila Bantay ng Bayan Action Team Inc.” na siya mismo ang nagtatag at kasalukuyang pangulo ng samahan.

Malaki ang nai-ambag ng naturang grupo, hindi lamang sa buong puwersa ng Northern Police District (NPD), kundi maging sa mga barangay dahil sila ang kaagad nagbibigay ng impormasyon sa mga insidente ng karahasan at iba pang mga pangyayari.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE