Default Thumbnail

More power sa power users

June 14, 2023 People's Journal 427 views

Dong Delos ReyesMORE power to the people! Ganoon ang naging hakbang ng More Electric and Power Corporation(MORE Power) sa Iloilo. Tinawagan ang kanilang mga power end-users. Ipinaalam na may refund sa kanilang bill deposit.

Nilagdaan ni ex-President Rodrigo Duterte ang batas na nagkaloob ng prangkisa sa MORE Power nitong 2019. Itinakda niyon na magtustos ng kuryente sa Iloilo City at kanugnog na lunan ang MORE Power.

Lumilitaw na sa mahigit 120 power utilities sa buong bansa, tanging ang MORE Power ang tumalima sa itinatakda  sa Article 7 ng Magna Carta for Residential Electric Consumers- ang bill deposit ay kailangang ibalik ng power utilities sa kanilang customers matapos ang 3 taon.

May kondisyon kasi ang pagbabalik ng bill deposit: kailangan ay sunod sa oras magbayad at hindi naputulan ng kuryente ang customer.

Maraming nakakasunud sa ganito dahil tahasang pangangailangan sa tahanan at negosyo ang kuryente.

Pero nasaan ang bill deposit refund? Eh, hindi naman naibabalik ng mga power utilities sa kanilang end-users.

Batay sa website ng ilang power utilities isinasaad: “A customer who has diligently paid his electric bills on or before its due date for three (3) consecutive years can request for the full refund of his bill deposit. This is done by filing a bill deposit refund application”.

Malinaw na hindi ito kusang ibinibigay; kailangan pa ng bill deposit refund application ng customer.

Heto pa ang nakasaad: “To facilitate the bill deposit refund, the account owner should present the original official receipt. If the official receipt cannot be found, an affidavit of loss notarized by a registered attorney should be provided. If the account owner is deceased, the representative should provide a death certificate”

Marami sa mga customers, limot na ang refund na ito. At tiyak na nawala na din ang resibo ng kanilang binayarang bill deposit.

Kaya naman nakakabilib ang hakbang ng MORE Power, kauna-unahan ito sa aking pagkakaalam, karamihan sa kanilang tinawagang customer ang nagulat na may ibabalik sa kanilang pera.

Sana naman ay may ganitong kusa ang mga power utilities sa bansa, kahit pa hindi pare-pareho ang bill deposit; nakasalalay kasi sa laki ng service load na hiningi, pati na sa laki ng kunsumo; may ilan na umaabot hanggang P10,000.

Sa mga korporasyon at malalaking negosyo, higit pang mataas ang bayarin sa kuryente. Malaking tulong kung kagyat na ibalik ito ng power utilities, lalo na ngayong iniinda pa rin natin ang hagupit ng pandemic.

Lalong mapapalapit sa puso ng tao ang pamamalakad ng MORE Power. Pahayag nga ng MORE Power President-CEO  Roel Castro: “Since we don’t have any intention to use the money, we do not have the intention to keep the money; we do not have the intention of using it for our operation; why keep it when it is already due for return, for the refund to customers?”

Kukutuban tayo kung bakit ang mga power utilities ay hindi nagbabalik ng bill deposit ng kanilang customers; baka ginagamit pa nila ang pera. Iba ang diskarteng Meralco na patuloy na uungkatin ng kanilang customers na nagbabayad naman sa tamang oras, “Nasaan po ang aming refund?”

Binanggit ni Castro sa naging panayam sa kanya na hindi umano nagtatanong ang mga customer sa kanilang bill deposit refund. Pero para sa MORE Power, hindi na kailangan magtanong dahil kahit hindi ito hingin sa kanila ay sila na ang nagkukusa na magbalik nito.

Kapuri puri po ang ginagawa ng kumpanyang ito na nararapat lamang natin na kilalanin. Atin pong tinatawagan ang Energy Regulatory Commission(ERC) na gisingin din ang ibang power utilities, nandito po ang isang kumpanya na kayang magbigay ng de kalidad na serbisyo.

Hindi lamang sa balik-bayad mahusay ang MORE Power. Nananatili ito na may pinakamababang power rates sa buong Visayas at marahil sa buong bansa. By Dong delos reyes

AUTHOR PROFILE