Bodega Ang natuklasang nakaimbak na mga bigas at asukal na tinatayang nagkakahalaga ng P231 milyon.

Bodega sa Caloocan na may P231M halaga ng asukal at bigas, ininspeksiyon ng BOC

August 23, 2022 People's Tonight 494 views

SA gitna ng pinaigting na crackdown ng pamahalaan laban sa mga sugar hoarders, ipinatupad ng Bureau of Customs (BOC) kamakalawa ang isang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu at nilagdaan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz laban sa dalawang bodega sa Caloocan City na natuklasang mayroong nakaimbak na mga bigas at asukal na tinatayang nagkakahalaga ng P231 milyon.

Nabatid na aabot sa 66,000 sako ng bigas at 13,000 sako ng asukal, na tig-50 kilo bawat isa, at nagmula sa Thailand at Vietnam, ang nadiskubre mula sa mga naturang bodega na matatagpuan sa isang compound sa 448 Kabutuhan St., Deparo Road, Brgy. 168, Caloocan City.

Ang naturang LOA at MO ay inisyu ni Ruiz laban sa may-ari, kinatawan at sinumang nag-iingat ng “imported goods” sa mga storage.

“We are very proud of these recent operations—the ones in Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Manila, Batangas, and Davao. It proves how serious we are in getting at the bottom of the issue of hoarding agricultural products, like rice and sugar,” ayon kay Ruiz.

“We are aware of how these could affect our farmers, our markets, the people. The inspections we’ve been doing are aimed at stopping this abuse,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ni Customs Intelligence and Investigation Division (CIIS) Director Jeoffrey Tacio na nagsagawa sila ng “proper coordination” sa barangay at local police bago tinungo ng joint team mula sa Customs at Military Intelligence ang lokasyon at ipinaliwanag ang layunin at mga probisyon ng LOA sa mga kinatawan ng bodega.

Kasama rin ng Customs at military agents ang mga barangay personnel at local police sa naturang operasyon.

“The team that inspected the warehouse found thousands of sacks of rice and sugar. They also found alcohol, packaging materials, chips, cocoa powders, and many other imported goods,” ani Tacio.

Idinagdag pa niya na pansamantalang sinelyuhan ng grupo ang entrance at exit gates ng bodega at ang imbentaryo ay isinagawa kahapon, Agosto 23, ng mga itinalagang Customs examiners, na sinaksihan ng CIIS, Enforcement Security Service (ESS), at mga kinatawan ng bodega.

Ang operasyon ay alinsunod pa rin sa visitorial power ng BOC na mag-inspeksiyon ng mga warehouse na pinaniniwalaang sangkot sa hoarding ng asukal, sa pakikipatulungan sa Sugar Regulatory Administration (SRA) at Department of Agriculture (DA).

Bibigyan naman ang mga may-ari at kinatawan ng warehouse ng 15 araw upang magpakita ng kaukulang dokumento para sa mga naturang imported products at agricultural goods na natuklasan sa compound.

Ang patuloy na pag-i-inspeksiyon ng mga bodega na pinaniniwalaang nag-iimbak ng mga asukal ay dulot ng kontrobersiya na nalikha ng Sugar Order No. 4, na ni-reject ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. dahil sa kanyang pagtutol sa pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal dahil makaaapekto ito sa mga magsasaka.

Malaking volume na ng mga asukal mula sa ilang bodega sa Luzon ang nadiskubre ng BOC, na nagdulot ng pangamba, na ilang negosyante ang nagtatangkang i-manipula ang merkado at presyo sa pamamagitan nang paghu-hoard ng asukal.

AUTHOR PROFILE