Default Thumbnail

Bintang kay Mayor Toby, dedma sa mga Navoteno

June 29, 2022 Edd Reyes 255 views

Edd ReyesWALANG dating sa mga Navoteno ang lumabas na ulat na protektor daw ng smuggling ng produktong agrikultura si Mayor Toby Tiangco dahil hindi raw talaga kapani-paniwala ang ganitong akusasyon sa kanilang alkalde.

Nagulat nga si Mayor Tiangco nang mapabilang ang kanyang pangalan sa listahan gayung siya pa nga raw ang naghain ng kaso laban sa mga smugglers noong 2020 na umakyat at dinidinig na sa hukuman.

Bukod pa ito sa ipinadala niyang liham sa Department of Agriculture (DA) para iulat ang ilegal na pagpupuslit ng mga imported na isda subalit wala siyang natanggap na tugon mula sa kalihim ng kagawaran.

Nakasaad din aniya sa committee report na apat na kaso ang naihain sa hukuman mula noong 2016 hanggang 2021 at dalawa rito ay isinampa ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Navotas kaya nakapagtatakang inakusahan pa siya bilang protektor

Naniniwala ang alkalde na sinisira ng malaking sindikato ng smuggling ang kanyang pangalan para tumigil siya sa paghabol sa mga ito pero nagkakamali aniya sila dahil lalu pa niyang paiigtingin ang kampanya laban sa smuggling ng mga imported na isda dahil pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng kanyang mga kababayan kaya’t sila ang naaapektuhan sa ilegal na pagpupuslit ng mga imported ng isda sa bansa.

Malaki ang tiwala ng mamamayan ng Navotas na malilinis ang pangalan ng kanilang alkalde sa oras na lumabas na ang katotohanan.

Ngayong makapananghali, Hunyo 30, 2022 ay magsisimula ng manungkulan bilang kinatawan ng Navotas sa Kongreso si Mayor Toby habang ang kanyang kapatid na si Cong. John Rey Tiangco naman ang papalit sa kanyang lilisaning puwesto bilang alkalde ng lungsod.

RIGODON SA PNP, NAPIPINTO NA

NAKAANTABAY at nagmamasid na ang mga Regional Directors ng lahat ng Police Regional Office sa bansa dahil inaasahan nila ang napipintong rigodon sa oras na magluklok na ng permanenteng pinuno sa Philippiine National Police (PNP) ang bagong administrasyon.

Kanya-kanya na ring hanap ng mabibigat na padrino ang ilang mga opisyal para masungkit ng masabaw na posisyon dahil alam nila na hindi na sila magtatagal sa puwesto, lalu na yung mga regional director na nagpatumpik-tumpik sa pagkakaloob ng seguridad sa kampanya ng mga nagwaging kandidato.

Kung tutuusin, magagaling at mahuhusay naman talaga ang mga nakaupong regional director dahil hindi naman sila malalagay sa mataas na posisyon kung wala silang abilidad at kaalaman sa pamamalakad, pero siyempre, hindi naman mai-aalis na may umiiral pa ring bata-bata system kaya good luck na lang sa mga opisyal na mapapabilang sa “pinagpala”.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE