Default Thumbnail

Tulungan natin ang administrasyon ni PBBM

June 29, 2022 Vic Reyes 255 views

Vic ReyesSA araw na ito ay magsisimula ng sumakit ang ulo ng mga bagong-talagang opisyal ng gobyerno.

Hindi biro ang mga maiiwang problema ng administrasyong Duterte. Nandiyan ang malaking utang ng bansa.

Nandiyan din ang malawakang kawalan ng trabaho, walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Ang masakit pa nito, pati presyo ng karne ng baboy, manok, isda, tinapay, gulay at iba pang basic commodities ay patuloy ang pagtaas na ikinakabahala ng marami.

Inaasahan din ang pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan, kasama ang mga tricycle.

Sa tingin ng marami, ito na siguro ang pinakamahirap na pagsisimula ng isang bagong administrasyon.

Pero naniniwala ang maraming kababayan natin, kasama na tayo, na malalampasan natin ang mga problemang ito dahil may political will ang administrasyong Marcos.

Nakikita ito sa quality ng mga taong inilalagay ni Pangulong BBM na mamuno sa mga opisina at ahensiya ng gobyerno.

Sana lang, huwag mapalusutan ng ibang alipores niya si Pangulong Marcos.

Tulungan natin ang administrasyon para mapabuti ang kalagayan ng naghihirap na taumbayan, lalo na ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang manggagawa.

***

Ngayong araw na ito, Hunyo 30, ay matatapos na ang anim na taong rehimen ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang kauna-unahang Chief Executive ng bansa na taga-Mindanao.

Bilang isa ng “ordinaryong” mamamayan ng bansa, si Tatay Digong ay inaasahang maninirahang muli sa Davao City, kung saan siya naging alkalde ng mahabang panahon.

Pero bilang isang dating Pangulo, mananatiling nasa limelight ang “tough-talking” na abogado, lalo na’t anak niya ang Bise Presidente sa susunod na anim na taon.

Isa pa, sa mga taga-diyaryo, telebisyon at radyo (lokal, nasyonal at internasyonal), “hot copy” pa rin si Pangulong Duterte kahit wala na siya sa Palasyo ng Malakanyang.

Kasama sa mga “tatabi” muna sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay yong mga tinatawag na “co-terminus” na lingkod-bayan.

Ito ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na matatapos din ang kanilang termino sa tanghaling tapat ng araw na ito (Huwebes).

Sa mga probinsiya, syudad at munisipyo, masuwerte ang mga sa politiko na nagawang “makasipsip” sa mga nanalong gobernador at alkalde.

Aminado tayo na normal na sa ating bansa ang matinding “balimbingan” o “baliktaran” pagkatapos ng isang mainit na nasyonal o lokal na halalan.

Ang nakasalalay kasi dito ay kabuhayan ng isang pamilya. Talagang mahirap sa isang ama, ina o anak ang mawalan ng trabaho sa panahong ito.

Hindi natin masisisi ang mga taong madalas magpalit ng “political color” sa Pilipinas. Survival ang “name of the game.”

Hindi ba, Pangulong Bongbong Marcos?

***

Mabuti naman at ire-review ng gobyerno ang K-12 program nito.

Maraming estudyante, magulang at iba pang sektor ang naguguluhan sa programang ito.

Sa kanila, mas magandang ibalik ang dating sistema. May anim na taong elementarya at apat na taong sekundarya.

Isa pa, pag-aralang mabuti ang paggamit ng mother tongue sa unang tatlong taon ng elementarya.

Paano na lang kung ang isang bata na taga-Visayas o Bicol ay magta-transfer sa mga probinsiyang ang medium of instruction ay Tagalog, Ilocano o Pangasinense?

Naniniwala tayo na magpapatupad ng mga reporma si Vice President Sara Duterte-Carpio na magpataas ang quality ng mga basic education graduate natin.

Kagaya ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., si VP Inday, bilang secretary ng Department of Education (DepEd), ay kayang-kaya niyang ayusin ang mga problena sa kagawaran.

Isa siyang magaling na abogada at isang huwarag ina na may malasakit sa kapakanan ng mga kabataan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0917-8724484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE