Binatilyo nawala ng 4 na araw, nakitang bangkay

August 17, 2022 Melnie Ragasa-limena 171 views

NATAGPUAN na ang bangkay ng 16-anyos na binatilyo sa loob ng malalim ng hukay sa isang construction site sa center island ng EDSA, Quezon City, Miyerkules ng umaga matapos mawala ng apat na araw.

Ang biktima ay nakilalang si Raniel Riano, 16, at residente sa naturang lugar.

Sa pahayag ng ina ng biktima, apat na araw nang nawawala ang kanyang anak at hindi nila alam kung saan ito nagpunta.

Nitong Miyerkules ng umaga ay napansin umano ang tsinelas ng biktima sa tabi ng naturang hukay na matatagpuan sa construction site, sa center island ng EDSA North Avenue.

Nang silipin ay dito na nakita ang bangkay ng biktima na nangangamoy na, kaya’t agad na inireport sa mga awtoridad.

Bandang 4 p.m. nang tuluyang maiahon ng mga tauhan ng Special Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang bangkay ng biktima, matapos ang apat na ulit na pagtatangka.

Nabatid na nahirapan ang mga awtoridad na makuha agad ang bangkay dahil sa lalim ng hukay at masangsang na amoy na nagmumula sa bangkay.

Hinala naman ng ina ng biktima na inatake ng epilepsy ang anak kaya’t nahulog sa hukay.

Ayon naman sa mga awtoridad, nagmistulang balon ang hukay dahil sa dami ng tubig bunsod ng mga pag-ulan.

Ginawa rin umano itong paliguan at hugasan ng kamay ng mga palaboy kaya’t natanggal ang net na nakaharang doon.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente.