Default Thumbnail

Binatilyo, 13, patay sa saksak ng klasmeyt

January 20, 2023 Melnie Ragasa-limena 381 views

“SELOS” umano ang tinuturong dahilan ng pananaksak ng isang 15-anyos na estudyante sa kaniyang 13-anyos na kaklase sa loob ng kanilang paaralan sa Barangay Culiat, Quezon City, Biyernes ng umaga.

Idineklarang dead upon arrival ang biktima, 13, Grade 7 student, residente ng Salaam Compound, Bgy. Culiat, Quezon City sa New Era General Hospital dahil sa tinamong saksak sa katawan.

Nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang suspek na 15-anyos na grade 7, at nakatira rin sa nasabing lugar sa QC.

Sa report ng Holy Spirit Police Station (PS) 14 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 5:45 ng umaga (Enero 20) nang maganap ang insidente sa Culiat High School, sa Bgy. Culiat, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ng mga nagrespondeng sina PSSgt. Juderick Latao, PSSgt. Renato Centeno, at Pat. Francis Rodenas ng PS 14, magkaklase umano ang biktima at ang suspek nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan umano.

Sa loob ng kanilang paaralan ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa saksakin ng binatilyo ang biktima.

Makalipas lamang ang ilang oras ay naaresto naman ng mga awtoridad ang binatilyo sa kanilang tahanan.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa nangyaring pananaksak sa pagitan ng dalawang estudyante.