Default Thumbnail

HVI sa droga, nahulog sa patibong ng pulisya

January 20, 2023 Edd Reyes 325 views

NAHULOG sa patibong ng pulisya ang mailap na “drug pusher” umano na kabilang sa listahan ng mga “high-value individual” (HVI) sa isinagawang buy-bust operation Huwebes ng gabi sa Pasay City.

Ayon kay Pasay City Police Chief P/Col. Froilan Uy, ang nadakip na suspek na may alyas na “Ronald,” 26, ng Barangay 194, ay nadakip dakong alas-10 ng gabi sa kanto ng Chapel at NAIA Roads sa naturan ding barangay.

Sa ipinadalang report ni Uy kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, naisagawa ang buy-bust operation matapos na masilaw ang suspek sa alok na P50,000 halaga ng bibilhing droga sa kanya ng pulis na nagpanggap na buyer.

Mailap umano ang suspek kaya’t kinailangan siyang lansihin ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) upang tuluyang mahulog sa bitag.

Saktong tinatanggap ni “Ronald” ang markadong salapi sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng ibinenta niyang isang nakabuhol na tali ng plastic na may lamang shabu nang dakmain siya ng pinagsanib na puwersa ng SDEU at Pasay Police Sub-Station-8.

Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang sa 96-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P652,800 at ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation na kinabibilangan ng isang piraso ng tunay na P1,000 at 49 na piraso ng P1,000 boodle money.

Pinuri naman ni Kraft ang diskarteng ginawa ng Pasay Police SDEU na dahilan ng tuluyang pagkadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Pasay City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE