BI Source: Bureau of Immigration

‘Biktima’ ng mail-order bride scheme nasagip ng BI sa NAIA

April 10, 2024 Jun I. Legaspi 120 views

NASAGIP ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang Pinay na hinihinalang biktima ng mail-order-bride scheme.

Sa ulat ng Immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, tinangkang umalis ng bansa ang babae patungong Fujian, China noong April 8 kasama ang umano’y asawa nito.

Nakapagpakita pa ang mga ito ng marriage certificate na nagsasaad na ikinasal sila noong 2019.

Subalit, nagduda ang mga tauhan ng BI dahil sa hindi magkakatugmang pahayag ng dalawa at mga dokumentong kanilang iprinisinta.

Taliwas sa kanilang certificate, sinabi ng biktima na ikinasal sila sa loob ng travel agency sa Maynila.

Inamin din niya na nagbayad sila ng P100,000 upang makuha ang marriage certificate na lumitaw namang genuine.

“This is yet again another case of the mail-order-bride scheme wherein women are promised a better life abroad but are made to work as domestic workers with little to no salaries,” saad ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Agad itinurnover ang biktima at ang kanyang pseudo-husband sa Inter-agency council against trafficking para sa pagsisiyasat.

AUTHOR PROFILE