Default Thumbnail

BIFF ‘bomb expert’ huli sa Cotabato City

May 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 184 views

ARESTADO ng pinagsanib ng puwersa ng pulis at militar ang sinasabing “bomb expert” umano ng teroristang grupo ng Bangsamoro-Islamic Freedom Fighters (BIFF)-Karialan Faction sa Cotabato City.

Ayon kay Lt. Col. Deninis Almorato, tagapagsalita ng Philippine Army’s (PA) 6th Infantry Division (6ID), naaresto ang suspek na may alyas na “Tong Basilan” sa bisa ng warrant of arrest sa bisinidad ng Cotabato Regional Medical Center, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City.

Sinabi ni 90IB Commanding Officer, Lt. Col. Rowel Gavilanes, na ang suspek ay may dalawang kaso ng double murder at multiple frustrated murder at isang kasong arson na isinampa laban sa kanya sa lokal na korte.

Siya ay naaresto ng pinagsanib na pwersa ng 90IB, 34IB, PNP-SAF, at CIDG Maguindanao Provincial Field Unit.

Ang naarestong suspek ay isang katiwala diumano ng yumaong si Ameril Umbra Kato at sinasabing “triggerman” na si Kumander Paradise.

Kinumpirma ni Major General Alex Rillera, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division na sangkot din ito sa ilang mga karahasan hindi lamang sa mga unipormadong tauhan kundi maging ng mga sibilyan.

Batay sa nakalap na impormasyon ng militar, ang suspek ay miyembro ng gun-for-hire at sangkot sa harassment at landmine attack sa military installation sa Sitio Risingan, Dungguan, Aleosan, Cotabato; pagsunog sa mga ari-arian ng sibilyan sa Sitio Poypoyon, Dungguan, at Bagolibas, Aleosan at Baliki, Midsayap, Cotabato noong 2008, at serye ng mga shooting incidents target ang PNP (Philippine National Police) at AFP (Armed Forces of the Philippines) sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong 2019 hanggang 2020.

“Ang inyong AFP at PNP ay patuloy na magsisikap na ubusin ang mga banta sa kapayapaan at mapanatili ang kaayusan sa Central at South Central Mindanao,” pahayag ni Rillera.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng CIDG Maguindanao ang akusado para sa kaukulang disposisyon.