Default Thumbnail

BBM hirap mamili ng itatalaga sa BoC at BIR?

May 29, 2022 Vic Reyes 325 views

Vic ReyesMUKHANG nahihirapang mamili si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R.Marcos Jr. kung sino ang itatalagang hepe ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue.

Mismong si Pangulong Marcos ang nagsabing maraming nag-apply para maging komisyuner ng BOC, ang pangalawang pinakamalaking kolektor ng buwis sa bansa.

Sa totoo lang, napakahalaga ang papel na gagampanan ng BOC at BIR sa economic recovery program ng papasok na administrasyon.

Marami ang nagsasabing kailangang walang bahid ng korapsyon ang mga itatalagang mamuno sa BOC at BIR na parehong nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).

Hinugot na ni Pangulong Marcos sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) si Benjamin Diokno, isang magaling na ekonomista, para italagang bagong kalihim ng DOF.

Ang tingin ng maraming quarters ay kailangang may “full trust and confidence” si incoming Finance Chief Diokno sa mga opisyal at kawani na itatalaga sa BOC at BIR.

Huwag natin kalimutan na marami talaga ang gustong mapasok sa aduana, kasama na ang mga politiko, na kilalang pinamumugaran ng mga “makamandag na ahas.”

Sa mga unang araw at linggo nga ng maitatalagang bagong hepe ng ahensya ay inaasahan nang babatuhin siya ng kung anu-anong mga kontrobersya.

Susubukan agad siyang “gibain” ng mga hangad na sirain siya sa mata ng Pangulong Marcos.

Pero sa tingin natin ay mahihirapan silang “gibain” ito dahil siguradong hindi maglalagay si BBM ng taong hindi karapat-dapat manungkulan sa aduana.

Sabi nga ng mga observer sa aduana: Manahimik na lang kayo at pabayaang magtrabaho muna ang bagong hepe ng BOC.

Dapat lang. Hindi ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

***

Sa paglaban sa ano mang krimen sa buong bansa, malaki talaga ang nagagawa ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Lalo na sa kampanya laban sa ismagling na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nahihirapan ang gobyerno nasyonal para makakalap ng sapat na buwis.

Kung walang sapat na pondo, mahihirapan ang gobyerno na ipatupad ang mga proyekto at programa na magpapaangat sa kalidad ng buhay ng taumbayan, lalo na ang mga mahihirap.

Kaya nga maraming natuwa nang magtulong-tulong ang tatlong ahensya ng gobyerno para masakote ang mga puslit na sigarilyo sa Zamboanga City kamakailan.

Ang tatlong ahensya ng gobyerno ay ang Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP) at Philippine Air Force (PAF).

Sa operasyon ay tatlong pinaghihinalaang ismgaler ang nadakip ng mga otoridad at nakuha sa kanila ang 121 master cases ng puslit na Fort cigarettes.

Nagkakahalaga ng P4.2 milyon, ang mga kontrabando ay nakasakay sa isang orange na Isuzu Elf closed van, ayon kay PNP officer-in-charge Lt.Gen. Vicente Danao Jr.

Ayon kay General Danao, ang matagumpay na pagkakahuli ng mga ismagler ay resulta ng mahusay na intelligence gathering ng pulisya at kooperasyon ng BOC at PAF.

Kahit patapos na ang administrasyong Duterte ay puspusan pa rin ang ginagawang paghabol ng BOC, sa tulong ng ibang ahensya ng gobyerno, sa mga ismagler.

Bad news ito sa mga economic saboteur!

***

Marami ang nagugulat sa ginagawa ni President-elect Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Lalo na sa pagpili ng mga magiging miyembro ng kanyang official family o Gabinete.

Hindi niya tinitingnan ang kulay o partido ng mga itinatalaga niyang opisyal sa mga importanteng ahensya ng gobyerno.

Ang mahalaga kay BBM, ang husay at integridad ng isang nominee.

At handa itong makipagtulungan sa papasok na administrasyon.

Sa tingin natin ay makukuha ni Pangulong Marcos ang suporta ng mga kritiko kung patuloy ang mga magaganda niyang ginagawa para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya.

Hindi na panahon ng politika ngayon.

Panahon na para tayo’y magkaisa dahil sa dami nating mabibigat na problema, kasama na ang kahirapan, kawalan ng trabaho at walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Nandiyan pa ang nakakatakot na coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Trabaho muna tayo.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE