Kathniel1

Balik-tambalang KathNiel, unang mapapanood sa Netflix

May 7, 2022 Ian F. Fariñas 351 views

MALAKING parte ng pagiging confident ni Kathryn Bernardo ang perennial screen partner at real-life boyfriend na si Daniel Padilla.

Ito ang binitawan ng batang aktres sa presscon ng balik-tambalan nila sa ABS-CBN na 2 Good 2 Be True nu’ng Biyernes.

Ani Kathryn, mas kilala na niya ang sarili ngayon dahil sa suportang ibinibigay ni Daniel at nare-recognize na ang worth niya bilang babae.

Too good to be true nga raw para kay Kathryn na matapos ang ilang taon, eh, balik na sila sa pagtatrabaho via the new series, 2 Good 2 Be True, na dinidirehe ni Mae Cruz Alviar.

“Ang pinaka-napi-feel ko ngayon ’yung saya na kagaya nu’ng sinabi mo, despite everything that’s happening, nakagawa tayo at gumagawa para mapasaya ’yung mga tao. And hopefully, through this project, alam mo ’yon, we can inspire more people, give them hope and sana mapagkunan nila ito ng reason to smile everytime they watch it.

“Gusto ko lang magpasalamat talaga sa ABS-CBN for pushing this project na ang daming challenges pero here we are, ito na, mag-eere na finally, ilang tulog na lang,” patuloy ni Kathryn.

Nang tanungin si Daniel kung too good to be true ang pagbabalik ng tambalang KathNiel sa primetime TV, sagot niya, “Yeah, man. After four years? Yeah, oo, salamat at binigyan uli kami ng pagkakataon na magkasama ni Kathryn, kasama ang magaganda naming cast at siyempre ’yung mahal na mahal naming direktor, si Direk Mae. Thank you very much. Maraming salamat po sa ABS-CBN sa napakagandang kwento, sa aming mga writer, thank you po sa oras na ibinibigay n’yo.”

Ang 2 Good 2 Be True ay unang mapapanood sa Netflix Philippines at iWantTFC bago ipalabas sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z at TV5 sa May 16.

Ito ang kauna-unahang teleserye na mapapanood sa Netflix sa May 13 bilang kasunduan ng ABS-CBN at Netflix at sa iWantTFC app o sa iwanttfc.com sa May 14 bago ang TV premiere.

Itinuturing nina Kathryn at Daniel ang seryeng ito bilang regalo sa kanilang fans at selebrayon ng kanilang 10th year bilang loveteam.

Tungkol ito sa dalawang tao na ayaw magpa-budol sa pag-ibig.

Iikot ang kwento kina Eloy (Daniel) at Ali (Kathryn) na parehas hindi naniniwala sa true love matapos makita kung paano nito nawasak ang kani-kanilang pamilya.

Kilala bilang “engine whisperer” si Eloy sa kanilang komunidad. Kasabay ng pagiging isang mekaniko, pinagpapatuloy din niya ang pag-aaral ng abogasya sa pag-asang mapalaya ang ama sa kulungan.

Ginawa nga niyang misyon na palayain ang ama hindi lang sa bilangguan pati na rin sa sakit na dulot ng pagkamatay ng ina.

Samantala, mabait at masipag na nurse naman si Ali na nangangarap maging isang doktora.

Una silang pagtatagpuin ng tadhana sa isang plinanong nakawan ni Eloy sa isang hotel nang mabunggo niya si Ali.

Muli silang magkikita nang tanggapin ni Ali ang trabaho bilang nurse ni Hugo Agcaoili (Ronaldo Valdez), na may tinatagong sakit na Alzheimer’s, habang papasok naman bilang mekaniko ng mahigpit at tuso na real estate magnate si Eloy.

Kasama rin sa cast ng 2G2BT sina Gloria Diaz, Irma Adlawan, Gelli de Belen, Romnick Sarmenta, Cris Villanueva, Smokey Manaloto pati na sina Matt Evans, Jenny Miller, Yves Flores, Gillian Vicencio, Bianca de Vera, Pamu Pamorada, Via Antonio, Hyubs Azarcon at Alyssa Muhlach.

Ang broadcast premiere nito ay sa May 16 (Lunes) sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, Jeepney TV, TFC IPTV at TV5.

AUTHOR PROFILE