Default Thumbnail

Balasubas na ama hahabulin ng DSWD at PAO

September 21, 2022 Erwin Tulfo 1641 views

TulfoBILANG NA ang mga araw ng mga balasubas na ama ng mga anak nilang hindi nila sinusuportahan.

Iyan ay makaraang pirmahan ng inyong lingkod bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta ang Memorandum of Agreement (MOA) sa tuwiran at mabilis na pagtulong sa mga ina na naghihirap dahil sa kawalan ng suporta mula sa tatay ng kanilang mga anak.

Kabilang sa mga naa-agrabyado ng mga “bastardong ama” ang kanilang ex-wife, former live-in partners o jowa na inanakan saka iniwan.

Walang bastardong bata para sa akin ngunit may mga bastardong ama na alam ang kanilang obligasyon ngunit pinipili na talikuran ito.

Di kaila sa lahat na obligasyon ng tatay na magsustento para sa makakain, pagpapaaral, pagbibihis at iba pang mga pangangailangan ng kanyang mga anak.

Ang MOA na pinagtibay namin ni Attorney Acosta ay patunay na seryoso kami sa pagsasampa ng kasong kriminal at sibil sa mga tinaguriang “deadbeat dads.”

Kaya nagpapasalamat ako sa walang-kupas na PAO Chief sa di-pag-aatubili na makipagtulungan sa inyong lingkod para habulin at ipakulong ang mga iresponsableng mga ama.

Panahon na para sawatahin ang pagdagsa ng mga ganyang kaso ng pagpapabaya at pag-abandona sa mga bata naghihirap dahil sila ay dinidedma o gino-“ghosting” ng kanilang mga biological fathers.

Isusulong namin ang pagpapatupad sa mga probisyon ng Articles 194 at 95 ng Family Code at ng Republic Act 9262 na tumutukoy sa mga tungkulin at obligasyon ng katatayan ukol sa financial support sa kanilang mga supling.

Ayon sa Art. 194, kasama sa mga tungkulin ng bawat ama na ibigay ang mga sumusunod: sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation.

Hindi pinipili ng Art. 195 kung lehitimo o ilehitimo ang mga bata, ibig sabihin kasal o hindi kasal ang mga magulang ng mga bata na dapat suportahan nang parehas.

Ayon naman sa, Sec. 5 ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, itinuturing na “economic abuse” at “psychological violence” ang hindi pagbibigay o pagbabanta na hindi pagbibigay ng financial support ng isang ama.

Kaya inaanyayahan namin ang mga ina at kanilang mga anak na magsadya sa tanggapan ng DSWD para matulungan namin silang habulin ang mga naghuhudas na tatay, itay, daddy, papa, o kung ano man ang tawag nila.

Ayon kay Atty. Acosta, ang mga pabayang ama ay tulad sa pabayang plantito. Sabi nya, “Mag-aanak ka nang mag-aanak pagkatapos hindi mo susustentuhan. Ano ka, nagtanim ng halaman tapos hindi mo didiligan? Eh, di natigang yan. Diligan mo nang diligan!”

Naniniwala akong malaking pondo ng gobyerno ang nagugugol dahil sa kapabayaan ng mga ama na mayroon namang trabaho o pinagkakakitaan ngunit dinidedma ang paghingi ng suporta ng kanilang mga anak.

Ang ating paghabol at pagpapakulong sa mga iresponsableng ama na lumalabag sa batas ay makakatulong na putulin itong kultura ng pagdedepende sa government support.

Milyun-milyon ang mahihirap na totoong nangangailangan ng tulong ng gobyerno ngunit hindi makapasok sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) samantalang may mga magulang na nagsasamantala, kabilang na ang mga ama na walang suporta sa kanyang mga anak.

May mga kaso rin na ang mga bata ay iniiwan sa pangangalaga ng lolo at lola o ibang mga kaanak at kadalasan ay inaabuso ang mga naturang bata.

Kaya nagbababala kami na bilang na ang mga araw ng mga bastardong ama na di nagsusustento sa kanilang mga anak.

Tutulungan naming habulin ang mga hinayupak na yan at sasampahan namin ng kaso sa tulong ng PAO kapag hindi sila tumalima.

Bukod sa multa, ang parusa sa ganyang mga ama ay pagkakulong ng anim hanggang walong taon sa pagmamaramot ng sustento sa bawat anak.

Kaya kung anim ang mga anak mo na gino-ghosting mo, halimbawa, eh sa Bilibid ka na magreretiro, hudas ka!

AUTHOR PROFILE