Default Thumbnail

Col. Ferdie del Rosario, tunay na Batang Kankaloo

September 21, 2022 Edd Reyes 373 views

Edd ReyesKAYANG-kayang harapin ng bagong upong hepe ng Caloocan City Police ang mga problema sa lungsod, tulad ng ilegal na droga, paglaganap ng kriminalidad at ilegal na sugal, pati na ang pagtukoy sa mga police scalawags na sangkot sa katiwalian sa kanilang hanay.

Swak na swak kasi sa naturang posisyon ang bagong Chief of Police na si P/Col. Ferdinand “Ferdie” Del Rosario dahil pinanday na ang kanyang karanasan sa pagpapatupad ng batas sa Lungsod ng Caloocan mula pa sa pagiging mababang ranggo hanggang umangat sa mataas na posisyon

Bukod pa rito ang magandang nagawa ng pinalitan niyang si P/Col. Samuel Mina, Jr. na sa loob ng halos dalawang taon ay matagumpay na nakapagbigay ng maayos na serbisyo, hindi lamang sa mamamayan ng lungsod, kundi maging sa lokal na pamahalaan at pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Samakatuwid, hindi lang ang pagiging “taga sa panahon” ang armas na hawak ni Col. Del Rosario para igiya ang buong puwersa ng Caloocan police tungo sa pagbibigay ng proteksiyon at serbisyo sa mamamayan ng Caloocan kundi may maayos na yapak na rin siyang susundan sa katauhan ni Col. Mina na kapuri-puri rin ang ginawang serbisyo at panunungkulan.

Sa tagal kasi ng pagiging mahusay na opisyal ni Col. Del Rosario bilang isang tunay na Batang Kankaloo, kilala na at alam na alam na niya ang galaw ng mga taong gumagawa ng ilegal, maging ang mga sangkot sa petty crimes at small time drug pushers, pati na ang mga naglalatag ng ilegal na sugal kaya putong-puto na lang sa kanyang supilin ang mga ito.

Hindi lang yan, kilalang-kilala rin niya ang mga mala-tubang pulis at opisyal na sa halip na magtrabaho ay pakuya-kuyakoy lang sa kanilang tanggapan kaya ngayong hawak na niya ang baston, maipupukpok na niya ito sa ulo ng mga kabaro niyang abusado at tiwali, hindi para sila parusahan, kundi upang matuto ng wastong ugali bilang isang pulis.

Batid kasi ni Col. Del Rosario na ang mahusay na pamamalakad at wastong panunungkulan ay magmumula dapat sa hepe bilang halimbawa na dapat na pamarisan ng kanyang mga tauhan. Isang mainit na pagbati muli sa kaibigan ng lahat, orihinal na Batang Kankaloo, Col. Ferdie Del Rosario!

NPC GRADUATES, MAPALAD NA MGA ESTUDYANTE

Ang swerte naman nitong mga estudyante ng Navotas Polytechnic College (NPC) dahil bukod sa nakapagtapos na ng pag-aaral ng libre, may tinanggap pang allowance na P1,500 kay Mayor John Rey Tiangco batay sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

At eto pa, kahit nakatapos na ng pag-aaral, may pagkakataon pa rin silang lumahok sa programa ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas para naman matutong magtayo ng negosyo sa pamamagitan ng NavotaAs Hanapbuhay Center o kaya ay mag-aral na muli ng bokasyunal.

Bukod nga pala sa mga nagtapos, sinabi ni Mayor Tiangco na nabigyan din ng P500 insentibo ang mga mag-aaral na nagtapos sa elementarya at P1,000 naman sa mga nagtapos sa senior high school sa ilalim pa rin ng naipasang ordinansa.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE