Bakit nila pinapatay ang mga kababaihan natin?

July 19, 2021 Joey C. Papa 142 views

Bangon Kalikasan column

May walang-awang pinatay na naman na Pilipinang kababayan natin na household worker sa United Arab Emirates.

Pinagmalupitan diumano ito ng mga amo. Isa siyang undocumented OFW.

Dahil ba ganoon ang sitwasyon niya ay puwede na siyang pagmalupitan at patayin?

Kung may kasalaman, puwedeng ipadakip at kasuhan.

Ngunit yung papatayin, brutal na pagtrato ito sa isang nilalang. Tao ang mga manggagawang migrante May asawa’t anak siya.

Marami nang nangyaring ganitong pagpaslang ngunit nilalakasan na lang ng mga kababayan natin ang loob upang may maitulong sa kanilang pamilya.

Karamihan sa kanila ay mga mahihirap na Pilipino na nmakipagsaplaran kahit na alam nilang mapanganib.

May mga mapalad na nakapasok sa mga mababait na employer nila ngunit tila dumarami ang mga minamalas na mapunta sa mga walang awang employer.

Kung hindi magkasundo, ibalik sa embahada natin o kaya’y sa OWWA ng DOLE.

Bakit ang gagaan ng kamay nilang pumatay?

Dahil ba sa alam nilang kapit sa patalim ang ginawang pagpunta sa bansa nila ng mga househould workers lalo na at walang ligal na dokumentro, kaya naging ganoon ang pagtrato nila?

Kung matapang ang Pilipinong babae at lumaban sa malupit na amo nila, kulungan at bitay naman ang aabutin nito.

Matagal nang nangyayari ang mga ganitong pagpatay sa mga migranteng Babaeng Pilipino.

Bakit hindi ito mapigilan ng ating pamahalaan?

Mababa ba ang pagtingin ng mga bansang ito sa mga Pilipino?

O sadyang mabibigat ang kamay nila sa pagpatay ng tao?

Madalas na balita noon ay inihuhulog sa gusali at sasabihing nagpakamatay. Kalaunan ay malalamang ginahasa pala ito at kailangang tumakas sa amo ngunit inabutan kung kaya initsa na lang sa mataas na palapag ng gusali.

Kailan pa matitigil ang pagdating ng mga kababaihang manggagawang migrante natin na nakasilid na sa isang kahoy na kabaong?

Dumarami ang naghihirap ngayon na mga kababayan natin kaya maraming kakapit sa patalim upang mabuhay lamang sila.

Kailangang pagaralan agad ng pamahalaan ang maayos na pagpapadala sa mga migranteng Pilipino upang hindi sila kumapit sa mga iligal na nagpapadala ng mga migrante sa ibang bansa.#

AUTHOR PROFILE