Warden Binigyan ng pagkilala ni Malabon City Jail Warden J/Supt. Joseph Eisen Tacdoy si P/Cpl. Roel Antaran ng Caloocan City Police sa paglahok sa isinagawang Oplan Greyhound habang nasa laran din sina JInsp. Nelson Diaz at SJO4 Reynante Isip. Photo courtesy ni J/Insp. Nelson Diaz,

Bagong MCJ warden sinimulan mga programa para sa 800 PDLs

April 23, 2023 Edd Reyes 609 views

SINIMULAN na ng bagong upong Warden ng Malabon City Jail (MCJ) ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto na makakatulong ng malaki sa mahigit 800 persons deprived of liberty (PDLs) at maging sa mga jail officers sa naturang pasilidad.

Ayon kay J/Supt. Joseph Eisen Tacdoy, magtutuloy-tuloy ang paghahanap nila ng mga pamamaraan upang maisakatuparan ang kanilang mandato na mapagkalooban ng mga pangunahing pangangailangan ang mga PDL sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad na makakatulong sa pagunlad ng kaisipan at kalusugan, sa kabila ng kanilang kalagayan.

Kabilang na aniya rito ang pagsusulong ng kanyang mga opisyal, sa pangunguna nina J/Insp. Nelson Diaz, J/Insp Edward Ronald Ty at SJO4 Reynante Isip ng mga programang pangkalusugan tulad ng pagdaraos ng Zumba, basketball tournament, chess tournament at iba pang uri ng laro na hindi lamang makakatulong sa pagsigla ng kalusugan at kaisipan kundi nakakaalis din ng kanilang pagkabagot.

Sa kabila nito, hindi rin kinaligtaan ni Supt. Tacdoy ang programang BIDA (Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan) ng Department of Interior and Local Government (DILG) na isang uri ng pamamaraan upang malabanan at maihinto ang paglaganap ng ilegal na droga sa loob ng pasilidad matapos silang magsagawa ng Oplan Greyhound nito lamang Abril 5, katuwang ang PNP at PDEA, kasama ang kanilang K9 Unit.

Sa naturang operasyon, wala isa mang nakuhang ilegal na droga o drug paraphernalia at armas sa 24 na selda sa loob ng MCJ, maliban sa mga sira at lumang gamit na puwedeng gawing improvised deadly weapon.

Ayon pa kay Supt. Tacdoy, bukod sa Oplan Greyhound ay regular din nilang ginagawa ang random drug test, hindi lamang sa mga PDLs kundi sa mahigit 30 nilang jail personnel, tulad ng isinagawa nila nito laang Abril 20, sa tulong ng Malabon Anti-Drug Abuse Council (MADAC) kung saan negatibo ang lahat ng sumailalim sa drug test.

Sinabi ni Insp. Diaz na mayroon silang mga pamamaraan upang walang makapasok na anumang uri ng ilegal na droga at kontrabando sa loob ng MCJ tulad ng paglalaan ng air-conditioned na lugar kapag kinakailangang paghubarin at rekisahin ang dalaw ng hindi malalabag ang kanilang karapatan.

Kaugnay naman sa seguridad, plano na aniya ni Supt. Tacdoy na magdagdag pa ng mga CCTV camera, maliban sa mga nakalagay na sa kasalukuyan, upang matiyak na walang magaganap na kaguluhan, pang-aabuso, pagtakas, at iba pa na hindi angkop sa maayos at tahimik na buhay ng mga PDLs.

AUTHOR PROFILE