Bagong Infectious Diseases Unit para sa mga Manilenyo, tagalabas binuksan

April 23, 2023 Edd Reyes 170 views

BINUKSAN na sa publiko ang bagong gawang Infectious Diseases Unit (IDU) na libreng magkakaloob ng serbisyo, hindi lamang sa mga Manilenyo, kundi maging sa mga hindi taga-lungsod sa Gat. Andres Bonifacio Memorial and Medical Center sa Tondo, Maynila.

Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Senator Lito Lapid ang pagbubukas ng naturang pasilidad na nasa ika-pitong palapag ng gusali ng pagamutan nito lamang araw ng Biyernes na sinaksihan ng mga doktor at nurse ng naturang pampublikong ospital na nasa pangangasiwa ng lokal na pamahalaan.

Naglaan si Lapid ng halagang P30 milyong pondo para sa konstruksiyon ng naturang pasilidad na pinangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kayang tumanggap ng hanggang 40-pasyente.

Sinabi ni Mayor Honey na bukod sa libre ang serbisyo, fully air conditioned din ang naturang pasilidad kaya’t magiging maginhawa sa kanilang paghihintay ang mga pasyente.

Taos-pusong pinasalamatan ng alkalde si Lapid sa pagpapagawa ng IDU sa kanilang pampublikong pagamutan na makakatulong aniya ng malaki sa mga Manilenyo upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Nangako si Sen. Lapid na patuloy na magbibigay ng tulong medikal at ayuda sa mga kababayan nating mahihirap na hindi kayang magpagamot sa mga pribadong ospital.

“Kung ano pa ang maibibigay kong tulong sa mga taga-Maynila at ibang probinsya, ipagbigay-alam lang sa aking opisina upang agad na aming aksyunan sa abot ng aking makakaya,” ayon kay Lapid

Ang Gat Andres Bonifacio Medical Center ay itinatag noong April 30, 1998 sa pamamuno ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, isa sa anim na charity hospitals sa Lungsod at may kapasidad na 100 kama. Nina EDD REYES & PS JUN M. SARMIENTO

AUTHOR PROFILE