Allan

‘Bad trip ka sa omad’

February 12, 2024 Allan L. Encarnacion 611 views

NOONG nasa grade 6 ako, may mga kaklase ako na sobrang saya na hindi ko malaman kung bakit. May isa naman, ang lakas lumamon na parang hindi mauubusan ng pagkain.

May isang pagkakataon, naabutan kong kinakausap ng titser ko iyong isang “masaya” na biglang malungkot at nakatalungko. Sa kabubulungan ng mga magkakaklase, doon ko nalaman na nahulihan pala ng rolling paper sa pitaka niya ang kaklase kong “masayahin.”

Wala naman akong malay noon kung ano iyong rolling paper. Papel de hapon lang alam ko na ginagamit namin sa paggawa ng saranggola.

Kalaunan, nalaman ko na ang rolling paper pala ay ginagamit sa pagbabalot ng marijuana. Ibig sabihin, habang ang alam ko lang ay mag-tumbling-tumbling sa kudwaranggel at magtanim ng petsay or mustasa sa garden namin sa elementarya, may mga kaklase pala akong humihitit na ng marijuana na ang tawag pa nila noon ay “omad” o damo. Imagine, grade six pa lang kami!

Dekada 70 yun, “chongki” pa ang naririnig kong sinasabi ng mga kaklase ko or ng ibang mga tambay doon sa barangay namin. Wala naman akong kamalay-malay na may mga kaklase na pala ako noon na nagyoyosi at nagma-marijuana na habang ako’y nakikipaghabulan sa aking mga kalaro.

Bukod sa tawa nang tawa at kain nang kain, may ibang nagdadamo na ang napagtitripan ay ang mambastos or kaya naman maghamon ng away. Iyon pala ang tama sa iba kaya parang palasak din noon ang salitang “bad trip ka pare.” Iyon pala iyong kapag high ang mga humihitit ng omad, hindi mo sila puwedeng kontrahin dahil maba-bad trip sila at mang-aaway at mababalam ang kanilang pag-akyat sa “stairway to heaven.”

Kaya pala binawal ng mga awtoridad ang damo dahil nga sa masamang epekto nito sa mga gumagamit. Aaminin ko, late bloomer ako pagdating sa mga bisyo. Hindi ko nga natutunang magyosi mula noon hanggang ngayon at nagsimula lang akong uminom ng beer nang maka-graduate na ako sa college.

Ngayon ay minamadali ang legalisasyon ng medical marijuana. Napanood ko ang FB Live ni Doc Tony Leachon at doon ay nakita ko ang kanyang punto kung bakit siya tutol sa medical marijuana kasama ng Philippine Medical Association or PMA.

Ang pundasyon na ginagamit ng mga nagsusulong ng medical marijuana ay makatutulong daw ito sa epilepsy at iba pang karamdaman. Sa ibang bansa gaya ng Thailand, legal na ang marijuana, hindi lang bilang medical na paggamit. Kahit sa isang casual na umpukan, puwedeng nagkakape ang iba, puwede rin namang nagdadamo ang ibang kakuwentuhan mo.

May mga bansa rin sa western world, legal ang marijuana bilang recreational substance o libangan. Bagama’t wala pa naman tayong nakikitang significant studies na iyong mga bangag sa marijuana ay nagbitbit ng uzi at namaril sa plaza. By the way, iyong mga mass shooting suspect sa America ay hindi malinaw kung bangag. Mas malamang na pyschotic ang mga ito sa natural nilang buhay.

Pero mabigat ang pagsasabatas ng medical marijuana dito sa atin kung tuluyan nga itong magiging legal. Ipaglagay na nga nating limitado nga ito sa paggamit sa gamutan ng mga extreme medical cases, ang magandang tanong ay paano ang production nito? Iyong tipong, ako bilang isang pangkaraniwang tao ay puwede bang magtanim ng marjuana sa aking bakuran para kapag sumakit ang anuman sa aking katawan ay pipitas lang ako doon para gamutin ang aking sarili?

O kaya naman, si Don Juan ay may sampung ektaryang lupa na gustong taniman ng marijuana para maging supplier ng mga bricks-bricks of omad sa mga drug store, puwede ba iyon?

Puwede rin bang iyong mga kaklase ko sa elementarya na mga lolo na rin ngayon ay magdala ng isang maliit na paso na may nakatanim na marijuana kapag sumasakay sila sa MRT or jeep or bus tapos napagtripan nilang tumira ng omad para hindi mainip sa biyahe, puwede rin ba iyon?

Tama ang sabi ni Doc Tony, hindi lang naman extracted marijuana ang gamot sa isang sakit na kailangan nito dahil may ibang gamot pa silang ginamit or iniinom para sa paggaling ng kanilang karamdaman.

May panganib din na nakaamba sa pagsasalegal ng medical marijuana kaya dapat pag-aralan natin ito mabuti. Huwag tayo basta pumapasok sa mga alanganing desisyon na sa bandang huli ay hindi na natin makokontrol.

Ang laki na ng problema natin sa mga pakalat-kalat na drug addict na naka-shabu or bangag sa iba pang ipinagbabawal na gamot tapos madagdagan pa ang legal marijuana?

Baka kung saan tayo pulutan nyan?

[email protected]