Lacuna1

Ayuda ibinigay sa rice retailers sa Pasay, Maynila

September 14, 2023 Edd Reyes 193 views

NAGSIMULA nang mamahagi ng P15,000 tulong pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga maliliit na rice retailers noong Huwebes ang Maynila at Pasay.

Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan, Vice Mayor Yul Servo Nieto at Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Agaton Uvero ang pamamahagi ng salapi sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD sa 192 rice retailers mula sa mga pampubikong pamilihan at dalawa sa pribadong pamilihan sa San Andres Sports Complex.

“Batid po natin na hindi sapat ang maibibigay sa inyong assistance sa pagkakataong ito, pero sabi nga po nila na anything above zero is positive. Sana po ay makatulong ito sa inyo kahit ngayon man lamang po,” pahayag ng alkalde.

“Ang alam ko po mahigit pa sa 192 ang ating mga rice retailers. Kami naman po sa Maynila ay nagsisikap na bumalangkas ng mga paraan kung paano pa po kayo matutulungan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Manila Public Information Office (PIO) head Atty. Princess Abante na patuloy pa ang ginagawang pag-uusap kung ano pa ang puwedeng maitulong sa mga apektadong rice retailers.

“Pinapakuha po ni mayor ang lahat ng data kung ilan ang affected talaga kasi may mga barangay vendors pa na to be submitted sa DSWD na hindi pa kasama sa payout today,” sabi pa ni Atty. Abante.

Sa Pasay City, nanguna si Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano at mga kinatawan ng DSWD, Department of the Interior and Local Government at Department of Trade and Industry sa pamamahagi ng tulong pinansiyal sa may 56 na rice retailers mula sa Pasay City Public Market sa session hall ng Pasay City Hall.

Ayon kay Mayor Emi, dumaan sa mahigpit na pagsusuri ang mga tumanggap ng rice subsidy mula sa pambansang pamahalaan para matiyak na mga kuwalipikadong benepisyaryo lang ang mababahaginan ng tulong pinansiyal.

“Bukod sa P15,000,00, bibigyan din natin sila ng karagdagang P5,000 financial assistance mula sa lokal na pamahalaan at food packs at grocery package mula naman sa aking tanggapan,” pahayag pa ng alkalde.

Mapapabilang din sa benepisyaryo ng TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) program at tatanggap ng P6,000.00 para sa 10-araw na pagbibigay serbisyo sa komunidad ang lahat ng nabigyan ng ayuda.

AUTHOR PROFILE