Knife

NANINGIL NG UTANG SINAKSAK!

September 14, 2023 Melnie Ragasa-limena 270 views

SUGATAN ang isang lalaki matapos saksakin ng kaniyang kaibigan na siningil niya umano sa utang nitong Miyerkules sa Quezon City.

Patuloy na ginagamot sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Benjo Ramos, 34, gulang matapos magtamo ng saksak sa dibdib.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek na sina Paul John Cordero at isang alyas “Bornok”.

Sa report ng Novaliches Police Station, nangyari ang insidente pasado alas kuwatro ng umaga, Setyembre 13, 2023 sa kahabaan ng Victoria St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Bago umano mangyari ang insidente ay nagpunta ang biktima sa bahay ni Cordero upang singilin ang pera na kaniyang inutang.

Nagkainitan umano ang dalawa matapos tumanggi ang suspek na bayaran ang biktima.

Sa gitna ng kanilang pagtatalo ay umalis ang suspek ngunit agad na bumalik kasama ang isa pang suspek.

Bigla na lang umanong bumunot ng icepick si Cordero at sinaksak ang biktima sa dibdib.

Nagawa pang makatakbo ng biktima ngunit hinabol sya ng isa pang suspek. Nagpambuno umano ang dalawa hanggang sa makatakas uli ang biktima at makahingi ng tulong sa kaniyang mga kamag anak.