Vilma

Ate Vi, dedma sa bashers ng TikTok dance video

June 2, 2023 Jun Nardo 288 views

SINIGURADO ni Vilma Santos-Recto na sa pagbabalik ng tandem nila ni Christopher de Leon sa movie na When I Met You In Tokyo, eh, walang eksenang kapareho sa mahigit 20 movies na nagawa nila.

Eh, sa pelikulang ito, co-director si Boyet habang may inputs naman si Ate Vi sa script.

Bakit ang movie with Boyet ang una niyang sinagutang gawin?

“Feeling ko, nandoon pa rin ang chemistry namin ni Boyet after several movies. Hindi kasi nawawala ‘yon. At bago para sa amin ang kuwento tungkol sa love story sa edad namin at OFW kami,” sagot ni Ate Vi nang makausap namin para sa kinabibilangan naming podcast at YouTube channel na Marites University.

Para kay Vilma, malaking tulong ang pagsasayaw kaya naman nu’ng pandemic, eh, nawawala ang pag-aalala niya.

“Even during Vilma days, talagang ang pagsasayaw ang exercise ko. Naging outlet ko ‘yon noong pandemic at naging techy rin tayo.

“Pati pagba-vlog, pinag-aralan ko. Kasi may vlog si Luis (Manzano), may vlog si Jessy (Mendiola). Lagi nila akong gini-guest, kaya sabi ko gawan ninyo nga ako ng channel.”

Aksidente lang ‘yung pag-upload ng pagsasayaw niya sa Tiktok.

“May naglabas ng pagsasayaw ko sa Tiktok. Hindi ko naman alam ‘yon. Aba, nag-hit at heto, natutuwa ako at milyon ang nagkagusto,” sabi ni Ate Vi.

Eh, pagdating sa bashers?

“Naku, hindi ko sila masyadong iniintindi. Ang mga Vilmanian ko ang nagre-react. Pero sinabihan ko sila dahil hindi naman natin sila kilala.

“Masaya ako sa pagsasayaw kaya kung hindi sila masaya, wala akong magagawa,” rason ni Vilma.

Vacation mode muna si Ate Vi sa Amerika bago matapos ang buwan hanggang early July upang makasama ang kanyang mga kapatid.

Pagbalik niya, ang promo ng comeback movie ang gagawn at ang next project niya ay ididirek ni Erik Matti.

May offer ding gumawa sila ng movie ni Nora Aunor at kasama si Vilma sa pag-aayos ng script nito.

AUTHOR PROFILE