TVJ

TVJ, maraming pasabog sa pagbabalik ng ‘Eat Bulaga’

June 2, 2023 Vinia Vivar 294 views

Inamin ni Tito Sotto na biglaan ang naging desisyon nilang mamaalam last Wednesday (May 31) sa TAPE, Inc. dahil that day ay pumasok sila nina Vic Sotto, Joey de Leon at iba pang Dabarkads para mag-show nang live for Eat Bulaga at makipag-usap sa management.

Sa panayam kay Tito Sen ng mag-asawang Julius at Christine Babao, ayon sa veteran TV host/singer/politician, nagulat na lang sila nang ayaw silang payagang mag-live ng new TAPE management.

“So, biglang naisip namin, ‘ah,siguro ito na ‘yung bendisyon ng Panginoon na magdesisyon tayo.’ So, kung mapapansin mo, medyo nangapa kami nang konti sa gusto naming sabihin pero na-deliver namin ‘yung message which is, we are disengaging from TAPE, Incorporated. The rest, tingnan natin kung anong mangyayari after.

“Pero hindi na namin na-tolerate ‘yung mga gustong gawin, saka ‘yung mga naging dahilan kung bakit kami napilitang magdesisyon at mag-usap,” pahayag ni Tito Sen.

“Gusto sana naming i-welcome ‘yung June 1, eh, kaya kami nagsisipasok nang sama-sama, eh,” aniya pa.

Sinagot din niya ang ni-release na official statement ng TAPE, Inc. na tuloy pa rin ang Eat Bulaga with new hosts at kung pwede pa rin bang gamitin ng kumpanya ang titulong Eat Bulaga.

Iginiit ni Tito Sen na naka-file ang copyright ng Eat Bulaga sa TVJ. Pero aniya, “Kaya sige, di gamitin muna nila (ang EB title) habang nag-iisip pa kami kung ano ang susunod naming steps, pagkatapos, di bayaran. Madali namang maningil, eh.”

Pero sinigurado ni Tito Sen na one of these days ay magbabalik ang Eat Bulaga sa telebisyon dahil sa ngayon ay tatlong network na ang may offer sa kanila.

Nakikipag-usap daw sila sa Net25, Cignal, One Ph at TV5.

“Saka nakakatuwa, ‘yung isang member ng board ng Channel 9, kaibigan ko, anak ni (yumaong) Kitchie (Benedicto, dating RPN-9 executive), tumawag sa akin, tinatanong kung gusto naming i-consider sila,” pagbabahagi ni Tito Sen.

Pero sa ngayon ay hindi pa niya binanggit kung nakapagdesisyon na sila kung alin ang tatanggapin nila.

Ang sigurado ay hindi pa magreretiro ang TVJ (Tito, Vic and Joey) at nais pa nilang i-celebrate ang 50th anniversary ng Eat Bulaga which is six years from now.

Magdiriwang ng 44th anniversary ang Eat Bulaga sa July 30, 2023.

Ayon kay Tito Sen, sinisikap nilang makabalik before this date para i-celebrate ito.

“Hopefully, very soon (mapanood na sila), kasi, ayaw naming mawalan ng trabaho ‘yung mga production staff, saka ‘yung mga empleyado, ‘yung mga ibang crew, mga camera man,” aniya.

Marami rin daw silang bagong pasabog sa kanilang pagbabalik.

“Marami kaming gustong gawing bagong portion after July 30,” aniya.

“Naku magaganda, nakakatuwa,” dagdag pa niya.

Ayaw munang sagutin ni Tito Sen kung ilang percent na ba ang kanilang desisyon sa kanilang napipisil na network dahil baka may magtampo.

Pero nasa pagitan na ng 85 at 90% ang kasiguraduhan.

“Mag-uusap pa ulit kami, may meeting kami mamaya,” aniya.

Sinigurado rin niyang kasama ng TVJ ang buong Dabarkads na nagsipag-resign din sa TAPE, Inc. noong May 31.

Sa huli ay nagpasalamat si Tito Sen sa lahat ng mga nakikisimpatiya at sumusuporta sa kanila.

Labis daw na ikinaantig ng kanilang damdamin ang mga nababasang magagandang mensahe sa kanila ng ating mga kababayan sa buong mundo.

“Si Pareng Joey, mga tatlo o apat na beses nang umiiyak, eh. Sinasabi sa akin habang kausap ko sa telepono. Natutuwa kami. Sobra ang pasasalamat namin sa Panginoong Diyos, una sa lahat.

“Pangalawa, sa ating mga kababayan, sa kanila na tumangkilik ng Eat Bulaga, tumangkilik ng TVJ, ay taos-puso ang aming pasasalamat at ‘di naman kami makakarating dito kung ‘di dahil sa kanila,” pahayag ni Tito Sen.

AUTHOR PROFILE