Default Thumbnail

Appointment ni Gadon aprub sa Ecija mayor’s league

July 1, 2023 Steve A. Gosuico 1062 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Ikinatuwa ni Mayor Arvin C. Salonga ang pagkakatalaga kay Lorenzo “Larry’ Gadon bilang presidential adviser on poverty alleviation ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Nakikita ko na saktong-sakto ang posisyon na ibinigay sa kanya ng ating Pangulo dahil ang puso niya ay para sa mahihirap na tao at naniniwala ako na malaki ang kanyang magagawa dito,” ayon sa alkalde sa panayam ng Journal Group noong Biyernes.

Isa si Gadon, na asawa ni Bernadette De Leon-Gadon ng Bgy. Tikiw, isa sa mga barangay ng San Antonio, sa dalawang kandidato sa Senado na kasama sa shortlist ng “Team Gawa Hindi Salita” ni Salonga. Natalo sa pagka-senador si Gadon noong 2022.

Nasa 11th place si Gadon sa listahan ng Magic 12 ng Senado sa San Antonio. Nakakuha siya ng kabuuang 12,523 boto, mas mataas pa sa boto ni Senate President Migz Zubiri (11,960), at nasa mahigit 2,000 boto lang ang lamang ni Alan Peter Cayetano na nakakuha ng 14,889 boto para sa pang-10 pwesto.

Sinabi ni Salonga, pangulo ng 27-man strong member ng League of Municipalities of the Philippines-Nueva Ecija chapter (LMP-NE), na dapat tutukan nang todo ng 65-anyos na si Gadon ang anti-poverty agenda ni Pangulong Marcos.

Dapat din umanong bigyan ng higit na timbang ang mga proyektong makakatulong sa pagpapalakas ng food security ng bansa at pagtatayo ng mas maraming proyektong pabahay para sa mahihirap.

Na-disbar si Gadon noong Hunyo 28, 2023 dahil sa kanyang pagmumura kay Raisa Robles, na ngpakilalang beteranang mamamahayag.

Ipinagkibit-balikat lang ni Gadon ang kanyang disbarment at sinabing mas “matamis” na tawaging “Secretary” kaysa “Attorney.” Tumigil na sa pagpa-practice ng abogasya si Gadon noong 2015 nang masangkot siya sa pulitika.

Sinabi rin ni Salonga na hindi mahalaga ang pagkaka-disbar kay Gadon sa kanyang pagkakatalaga bilang anti-poverty czar.

“Palagay ko naman po walang kinalaman iyon, sapagkat ang pagpa-practice of law ay kakaiba naman sa pagtulong. Hindi naman kailangan sa kasalukuyan niyang posisyon na presidential adviser on poverty alleviation ang pagiging abogado,” he added.

AUTHOR PROFILE