Default Thumbnail

Ano kaya ang kapalit ng utang natin?

October 6, 2022 Paul M. Gutierrez 351 views

PaulMUKHANG kailangang magdouble-time ang economic team ni Pangulong BongBong Marcos (PBBM) matapos ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.

Ayon sa datos ng PSA, tinatayang 2.68 milyong Pilipino na may edad 15 pataas ang walang trabaho nitong Agosto. Mas mataas ng kaunti kumpara noong Hulyo.

Isang malungkot na problema ito dahil sa alam naman natin na nasa panahon tayo ngayon ng Kapaskuhan at ito ang isa sa pinakamahalagang okasyon sa pamilyang Pilipino.

Syempre hindi lamang problema sa Noche Buena ang problema dito kundi higit ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilyang Pilipino.

Ito ay kasabay na rin ng pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin dulot ng pagtaas ng inflation. Nito lamang buwan ay muling tumaas ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Kaya talagang sa mga may titipirin o paghihigpit na gagawin ay talaga namang todo higpit ngayon. Samantala, ang mga walang trabaho, hindi alam kung ano pa ang hihigpitan nila bukod sa butones at sinturon.

Alam naman natin na marami dahilan lalo na sa pandaigdigang galaw ng merkado na wala tayong kontrol. Sa pagtaas pa lamang ng langis ay talagang matagal na tayong nakadepende dito at ngayon nga ay halos dumoble na ang halaga nito mula ng pumutok ang gera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Syempre naman magandang balita din na nakautang muli ang gobyerno ng Pilipinas sa foreign creditors sa halagang $2 bilyong dolyar. Malaki ang magagawa nito upang makalikha ng mga trabaho na kakailanganin ng mga Pilipino kung mapupunta sa mabubuting kamay.

Sa ngayon wala pa tayong alam kung saan-saan gagamitin ang naturang pera na inutang ng gobyerno. Pero naniniwala tayo syempre na nasa mga proyektong prayoridad ng kasalukuyang administrasyon lalo na sa sektor ng agrikultura na sinabi na ni PBBM na kaniyang prayoridad.

Pero dahil ito ay inutang at mayroon syempre mula sa mga investors mula sa Estados Unidos, nakakatitiyak tayo na maaaring may kapalit ang inutang na ito at sana ay hindi mailagay sa alang-alang ang ating bansa.

Lalo na ngayon na patuloy na nagkakaroon ng tensiyon sa Asya dahil sa tunggalian ng kapangyarihan ng China at US.

Dahil sa hindi nagugustuhan ng China ang pakikialam ng US sa Taiwan, mas nagiging matapang na ang mga pahayag ng China laban dito. At dahil alam naman natin na sa tuwing may gera ay nandiriyan ang US, hindi malayong gamitin nito ang Taiwan laban sa China.

Kasabay nito ay nagkakaroon din ng tensiyon sa Korean Peninsula sa pagpapakawala na naman ng missile ng North Korea. Kinabahala ito ng South Korea at Japan dahil sa mga hakbang na ito na ginagawa ng North Korea na nagiging banta sa kapayapaan sa nasabing rehiyon.

Ito marahil ang nakitang hakbang ng US na pag-away-awayin ang mga bansang nabanggit upang makapanghimasok na ang layunin ay mapahina ang China at mga kaalyado nito. Lalo na at abala ngayon ang Russia sa digmaan nito sa Ukraine.

Alam natin na hindi magiging maganda ang lagay ng kahit anong ekonomiya kung sakaling mapunta sa gera ang mga tensiyong ito. Lalong magpapahirap ito sa bansang kagaya ng Pilipinas na hindi pa talaga nakakabangon sa bangungot ng pandemya.

Kaya naman sana sa inutang ng administrayon ni PBBM ay hindi mailagay sa alanganin ang bansa sa mga tensiyong ito.

Dahil kasaysayan na rin ang nagtuturo sa atin kung paano gamitin ng US ang mga pautang nito para pasunurin ang mga bansang sinasabi niyang “alyado.”

Lalo na ngayon na nagiging maganda ang relasyon ng Pilipinas sa China na nasimulan ni dating Pangulong Duterte. Dahil dati puro sa US ang takbo ng mga pangulo ng Pilipinas. Pero binuksan ni dating Pangulong Duterte ang posibilidad sa paglapit sa China at maging sa Russia.

Ito ang nais sirain ngayong US kaya kailangan niyang mapasunod muli ang Pilipinas. Dahil kailangan ng US ang Pilipinas kung nais niyang makontrol at mapahina ang China.

Bagamat nagpapasalamat tayo sa tiwala at tulong na dala ng pagpapautang, hindi natin maialis sa isip natin kung ano nga ba ang kapalit at interes sa likod nito?

Dahil kahit sa panaginip, hindi tayo naniniwala na wala itong kapalit o walang plano ang US para dito.

Abangan!

AUTHOR PROFILE