Default Thumbnail

Ano ang nangyari kay Yorme Kois?

December 20, 2021 Allan L. Encarnacion 551 views

Allan EncarnacionANG pulitika ay parang payapang dagat na kahit isang saglit na bigwas ng malakas na hangin, magbabago ng direksiyon ang tubig.

Noong mga unang linggong ng pag-ugong ng kandidatura ni Manila Mayor Isko Moreno sa pagka-Presidente, naisip ka na ang malaking potensiyal na mabigat din itong kalaban.

Sa kalagitnaan ng 2021, maugong na ang kanyang pangalan at hindi naman lihim ang kanyang intensiyong kumandidatong Presidente sa 2022. Sa mga pa nanahon iyon, wala pa ring linaw kung sino ang mga kakandidato bagama’t may ugong na rin ang plano ni Mayor Sara na pumalit sa kanyang erpat.

Kahit si VP Leni, sa mga panahong yan ay ayaw pang umamin na kakandidato sa pagka-Pangulo. Si BBM naman, klaro noong una na siya ang magiging VP ni Sara.

May mga survey na si Sara ang palaging No. 1 pero may mga survey din na No. 1 si Isko, lalo na kung wala sa karera si Inday.

Nito lang nakaraang September, pormal na ding inihayag ni Yorme ang kanyang pagtakbo bilang Pangulo. Masasabi nating high impact ang deklarasyon kaya ang mga sumunod na senaryo, lumilipad sa survey si Isko. Lumilinaw na ang labanan sa 2022 ay sa pagitan ni Sara at Isko dahil wala pa sa eksena sila BBM, Leni, Ping at Pacman.

Pero sa nakaraang surveys mula Nobyembre hanggang Disyembre, biglang nagbago ang lahat, si Isko na consistent No. 1 and No. 2 na tinitingnan ng mga political analyst na “iconic candidate” at posible ito ang tumalo kay Sara ay biglang naging No. 3.

Ang mabigat, malayong No. 3. Sa mga pinakabagong surveys, si BBM 51%, si Leni 18% at si Isko naman ay 13%.

Ang tanong, ano ang nangyari? Posible pa bang makabawi si Isko at makabangon?

Sagutin muna natin ang unang tanong: ano ang nangyari? Una, ang inakala noon na ploy lang ang vice president na si Doc Willy Ong ay hindi pala. Meaning, totoo nga palang si Doc ang kanyang vice. Wala naman tayong masamang tinapay kay Doc, maayos itong tao at malinis ang pagtingin ng publilko.

Pero aminin man nila o hindi, kumbaga sa kaldero, kuwadradong takip si Doc na hindi lumapat kay Isko. Kung ako ang magpapayo kay Isko, ang kukunin kong VP niya ay kung hindi man mas popular sa kanya, dapat man lang ay halos pantay sa kanyang popularidad. Si Doc Willy, puwede niyang No. 1 senate slot.

Si Senador Ralph Recto na masugid na supporter ni Isko ay puwede sanang VP niya, malaki ang pangalan, popular, brilliant at may “Vilma Santos” appeal. Mapupunan ni Recto ang kulang kay Isko.

Ang sumunod na pagkakamali ay ang pagkuha rin ng “lightweight” senatorial lineup. Totoo namang matino rin at magaling sila Atty Jopet, Samira at Carl Balita pero hindi rin ito sapat para sa popular na Isko.

Kumbaga sa rowing competition, kahit ano ang laki ng katawan ni Isko, hindi niya masasagwan mag-isa ang maalon na dagat. Kailangan niya rin ng “hebigats” na makakatulong.

Ang pagkakaroon ng tatlo lamang na senatorial lineup ng isang Presidentiable ay maling taktika, kung taktika nga itong matatawag dahil nagbibigay ito ng konotasyon ng kahinaan.

Ang sumunod na pagkakamali ay pagbanat ni Isko una kay President Duterte na appointing authority niya sa DSWD noong jobless pa siya. Tapos sinundan ng pagbanat kay Leni, tapos rumarapidong pagbanat kina Pacman, Sara at BBM.

Una, wala sa timing ang mga upak at kadalasan, unprovoked or walang dahilan para banatan. Imagine na nagsaboy ka ng isang baldeng tubig sa pader na isang dangkal lang ang layo mo kaya basang-basa ka rin.

Pagkatapos, nagising na lang tayo isang umaga, pinupuri na ni Isko si President Duterte at katunayan, ginawa niya pa itong No. 1 sa kanyang senatorial candidate adoption noong hindi pa umaatras.

Mali na naman ang move na ito politically at strategically. Nararamdaman ang pagkakamaling ito mula Luzon, Visayas at Mindanao kaya ganito ang resulta ng mga surveys.

Sa tingin ko may mga internal din na pagkakamali sa kampo ni Isko na iilan lang ang nakakaalam pero kumakalat sa grounds.

Ngayon ang pinakamalaking tanong, kaya pa bang bumangon at kaya pa bang bumawi ni Isko? Ang sagot ay yes, malaking yes.

Kung ako ang magpapayo kay Isko, ang unang kong gagawin sa kanya ay ibabalik ko siya kung saan siya nagmula, isang mapagpakumbaba, isang magalang na taga-Tondo.

Humble naman si Yorme noong una at magalang bago pa siya lumaki sa pulitika.

Balik-tanaw lang sila noong mga panahong hindi pa siya artista, balik-tanaw lang sila noong konsehal pa lang siya noong 1998-2007. Isang basang sisiw na puwedeng maging totoong Agila.

Babawasan ko rin ang masyadong big fat entourage/security or mga hawi boys niya dahil hindi rin magandang darating ka sa isang event na parang warriors na sangkatutak ang kabayo at sandamukal ang security. Alisan din niya ng pakwan sa kili-kili ang kanyang mga security, meaning, bawasan ang “malakas na arrive” na parang sitting President na ang binabantayan.

Marami pang puwedeng gawin ang kampo ni Isko kung talagang gusto nilang makabawi. Hindi ko naman puwedeng isulat lahat dito ang mga dapat nilang gawin kasi baka maubos ang espasyo ng aming diyaryo.

[email protected]