Default Thumbnail

Ngitngit ng nag-iinit na mundo at pabago-bagong klima

December 20, 2021 Joey C. Papa 951 views

JoeyAyon sa pagtaya ng mga awtoridad, sa ngayon ay mahigit isang daang tao na ang nasawi sa hagupit ng bagyong Odette sa mga bayan at lalawigang dinaanan nito.

Sa mga pahayagan at balitang pantelebisyon, makikitang parang mga palito ng posporo ang mga bahay at gusali na nakakalat sa mga lansangan dahil tila hinipan ito ng bagyong Odette.

Nakalulungkot na pagkaraan ng isang bagyo ay ganito na lang ang laging isinusulat ko; mga salaysay mula sa mga kakilala sa mga lugar na nasalanta at mga ulat ng print at broadcast media.

Hindi na magbabago ang pagsalanta ng bawat bagyong dadaan sa ating bansa. Dati’y kabisado ko pa ang mga pangalan ng mga malulupit na bagyo na kumitil sa maraming buhay ng mga Pilipino ngunit ngayon ay iilan na lamang ang nananatili sa aking isipan tulad ng Yolanda, Sendong at UIlysses. Tila ba ang bawat bagyo ay iisa na lang ang pangalan- Sendong, Yolanda, Ulysses, Odette!

Sinabi ng isang kaibigan ko sa Bohol sa post niya sa facebook na nakagigimbal ang dinadanas nila habang hiumahamabalos ang bagyong Odette. Umaalulong ang hangin at pinasok na ng baha ang kanilang heritage house na ngayon lamang nangyari. Umiiyak niya sa kanyang posting sa FB. Humihingi ng saklolo.

At umaga nitong nakaraang Lunes Dec 20, nag-ulat si Gov. Art Yap ng lalawigan ng Bohol kay Kabayang Noli De Castro na lahat ng bayan sa kanilang lalawigan ay napinsala. Walang kuryente, walang tubig, walang pagkain.

Ang bahay ni Yap na ‘umano’y dalawang palapag ang taas ay inakyat ng tubig-baha. Ang tanging damit na isinusuot niya ay ang baong mga damit pampalit na nakaugalian niya mula nang maging opisyal siya ng pamahalaan sa iba’t ibang kapasidad. Always ready ‘ika sa mga mahabang pagpupulong at pag-iinspeksyon sa mga lugar ng lalawigan.

Tulad nga ng ginawa nilang pagmomonitor sa bagyong Odette, nasa kapitolyo siya ng Bohol at nakikipag-ugnayan sa mga alkalde ng kanilang lalawigan. Hindi na siya nakauwi at isinuot na lang niya ang mga reserbang damit bilang pampalit.

Kailan pa maiintindihan ng pamahalaan at mga pinuno nito kahit na kanino pang administrasyon na bale-wala ang anumang talumpati sa pamamahala at pagtulong kuno sa mga mahihirap kung ang mismong “tahanan” natin o “habitat” ay wasak na at ang mga mamamayan nito ay namamatay? Kung ang mismong mahihirap ay namamatay!

Ano’ng halaga ng isang bagong administrasyon kung pagtingin sa mga kagubatan ay kalbo na ang kakahuyan? Ano’ng halaga ng isang bagong administrasyon kung pagtingin sa mga kabundukan ay pinatag na ang mga ito ng pagmimina at quarrying?

Ano’ng halaga ng isang bagong administrasyon kung pagtingin sa karagatan ay puro basura na ito at ang baho na ng amoy! Ang mga micro-plastic sa dagat na kinakain ng mga isda, tahong, talaba at iba pang yamang-dagat at pagkaraa’y kakainin natin?

Pinapatay ng global warming at climate change ang Inang Kalikasan na ating tahanan at mga taong naninirahan dito.

Sino ang may kagagawan sa pagkasira ng ating Inang Kalikasan, nang pagputol ng puno, ang pagpatag ng bundok, at pagtatapon ng basura sa dagat? Alam na alam ito ng mga residente ng mga sinalantang bayan at lalawigan.

Kailangang patigilin agad ang mga sumsira, sumasalanta at lumalapastangan sa ating tahanan- ang ating Inang Kalikasan. ([email protected])

AUTHOR PROFILE