Susan

Ang pinakanakatatakot na bahagi ng buhay ni Susan

May 13, 2023 Aster Amoyo 353 views

KAHIT matagal nang nangyari, hindi pa rin maiwasan ni “I-Juander” host Susan Enriquez na maiyak kapag naaalala ang pagkakabihag sa kaniya noon ng Abu Sayyaf sa Basilan.

Maituturing na beterano si Susan sa news coverage ng kaguluhan noon sa Basilan, na dahilan para iwasan noon ng mga tao ang lalawigan.

Pero malayo na ang sitwasyon ng Basilan ngayon na mas tahimik na kung ikukumpara noon na aktibo pa ang ASG.

Tinanong si Susan kung paano siya nabihag ng mga bandido?

“Bago naman kami umakyat doon, may meeting with the official government, with military, and with police. Kumbaga sanctioned naman nila yung paglakad, hindi naman yung parang patakas. Tapos nandoon na kami sa tuktok dun sa kampo ng Abu Sayyaf, doon lang namin nalaman na mayroon palang demand yung mga bandidong Abu Sayyaf,” kuwento pa ni Susan.

Humihingi umano ng 200 sako ng bigas ang mga bandido at hindi sila pabababain ng bundok hanggat hindi naibibigay ang mga bigas.

Pag-amin ni Susan, isa iyon sa mga pinaka-nakakatakot na yugto ng kanyang buhay. Iniisip din niya kung makikita pa niya ang kanyang anak.

“Yun yung isa sa pinaka-nakakatakot na yugto ng buhay ko bilang isang journalist. Kasi hindi ikaw ang may control ng sitwasyon. Hindi ka makakapag-communicate sa kung sino man yung gusto ko tawagan. So iniisip ko ‘Paano si Kaye? Paano yung anak ko?’ Siyempre yung isang araw, dalawang araw lang na hindi mo makita at makakausap, parang taon yung pakiramdam noon. Wala nga kasing assurance kung makakabalik ka pa.”

Sa kabila ng kaniyang sitwasyon noon, sinabi ni Susan na hindi rin niya maiwasan na isipin ang kinabukasan ng mga bata na kaniyang nakikita sa lugar.

“Bigla mong naiisip, ano magiging kinabukasan ng mga bata doon? Hindi lang yung mga binihag, pati yung nakatira mismo doon sa probinsya. Ano yung magiging kinabukasan nila kung sila ay namumulat doon sa buhay ng kahirapan at karahasan,” sabi pa ni Susan.

Ngayon, dinadayo na ng mga turista ang Basilan. Katunayan, makukulay na floating cottages ang sumasalubong sa mga turista ng Isabela, Basilan, na handog ng mga kababaihang Sama Banguingui.

Video City ibabalik ng Viva

KUNG gagawa ng listahan ang mga Gen X at millennials ng mga lugar na naging bahagi ng kanilang kabataan, malamang na kasama rito ang Video City. Noong 90s, namayagpag ang Video City bilang leading video rental store sa Pilipinas. At sa bawat VHS tape ay nakasulat ang isang paalala: “Be kind, please rewind.”

Ngayong panahon ng video streaming, parte na lang ito ng nakaraan. Pero muling bubuhayin ito ng Viva Films at GMA Pictures sa isang romantic comedy na pagbibidahan nina Yassi Pressman at Ruru Madrid.

Ipakikita ng pelikulang “Video City” ang kwento ng isang film student, si Han, na magta-time travel sa dekada 90 kung saan makikilala niya si Ningning, ang babaeng magpapabago ng kanyang buhay.

Hindi na makapaghintay si Han na maging isang full-fledged direktor tulad ng kanyang ina na laging pinararangalan para sa kanyang iconic na pelikula. Pero bago ang lahat, kailangan matapos ni Han ang kanyang thesis na hirap siyang gawin sa kasalukuyan. Marahil malaking epekto sa kanya ang pagiging bedridden ng kanyang ina.

Matapos ang isa na namang tribute event para sa kanyang ina, pumasok si Han sa isang lumang internet café para mag-relax. Nakadampot ito ng isang VHS tape na kanyang pinaglaruan. Makalipas ang ilang sandali, nag-iba ang kanyang paligid at nakita niya ang sarili sa dekada 90. Ang pinasukan niyang café ay isang Video City.

Ang video attendant na si Ningning ang nag-asikaso sa kanya, at nabighani siya agad sa personalidad nito. Sa pagbabalik niya sa kanyang panahon, nagdesisyon si Han na hindi ititigil ang pagta-time travel para mas makilala pa si Ningning na isa ring movie lover. Sa katunayan, pangarap nitong maging artista pero hindi nakakapasa sa mga audition.

Habang mas nakakasama ni Han si Ningning, lalo siyang nai-inlove sa kanya. Pero sa bawat araw na bumabalik si Han sa nakaraan, paikli nang paikli ang oras niya na manatili dito. Kaya naman gusto ni Han na malaman kung saan niya ba matatagpuan si Ningning sa kasalukuyang panahon. Ano ang kahihinatnan nila kung mangyari ito?

Ang “Video City” ay mula sa direksyon ni Raynier Brizuela, na siya ring nagdirek ng Mang Jose at Puto the TV Series. Ito ay mula rin sa panulat ni Raynier Brizuelkasama si Che Espiritu na writer at director ng 2018 Cinemalaya finalist na Pan de Salawal.

Kasama nina Yassi at Ruru sina TJ Valderrama ng gumaganap bilang si Jepp (Video City attendant), Chad Kinis bilang boss ni Ningning, Anjo Yllana na internet café attendant, Bodjie Pascua bilang thesis adviser ni Han, Suzette Ranillo bilang ina ni Han, Soliman Cruz bilang ama ni Han at Yvette Sanchez na gumaganap bilang kaklase ni Han.

Abangan ang “Video City” sa mga sinehan.

Matthew handa nang sumabak muli sa pag-arte

PAGKATAPOS ng kanyang third term bilang city councilor ng Puerto Princesa, Palawan noong nakaraang taon, handa na ulit na balikan ng dating Viva heartthrob na si Matthew Mendoza ang showbiz.

Hindi maipagkakaila ni Matt na marami siyang na-miss sa showbiz noong maging isa siyang public servant for nine years. Pero updated naman daw siya sa mga nangyayari sa showbiz.

“Kahit nag lie-low ako sa showbiz for a few years, updated naman ako through social media. I’m active on Facebook kaya familiar ako sa mga bagong artista ngayon at pati na dun sa mga kasabayan ko noon who are doing father and mother roles now. Ilang beses na rin akong gumanap na tatay sa mga teleserye kaya nakaka-relate tayo.” sey ni Matt.

Suportado ng kanyang pamilya at constituents ang muling pagbalik ni Matt sa showbiz.

“I have a very supportive family. My wife Angie, she’s been with me through thick and thin. Kung ano ang maging desisyon ko sa career ko, she’s always there at alam niya na they will always be my priority. I’ve always been a family man. My kids, Bea (23), Kyla (20) and Luke (17), malalaki na sila and they love whatever I’m into. Noong malaman nila na artista pala ako before, they want me to tell them stories about my time in showbiz noong ’90s. They are very interested in what my life was before being a politician.

“Marami rin sa constituents natin ang nagtatanong kung kailan nila ako mapapanood ulit sa isang teleserye. Sila pa ang nagpu-push sa akin na mag-showbiz ulit at sinabi pa nila na tapos na ang term ko bilang konsehal puwede na uli ako sa showbiz.”

Huling napanood si Matthew sa 2018 sa teleserye na “Wild Flower” ng ABS-CBN. Bago iyon ay lumabas siya sa Destined To Be Yours (2017), Kapag Puso’y Sinugatan (2013), Angelito: Batang Ama (2012), Sinner Or Saint (2011), Alakdana (2011), Imortal (2010), Dyosa (2008) at Daisy Siyete (2008).

Isa sa top leading man ng Viva Films noong ’90s si Matthew sa mga pelikulang Dysebel, Sabado Nights, Nag-iisang Ikaw, Nang Iniwan Mo Ako at Ikaw Naman Ang Iiyak. Nakatrabaho niya ang mga mahuhusay na direktor tulad nila Joel Lamangan, Don Escudero, Jose Javier Reyes, Romy Suzara, Ike Jarlego Jr. and Emmanuel Borlaza.

Gusto naman ni Matt na makatrabaho ang maraming bagong artisa ngayon. Ilang beses na rin daw siyang gumanap na role bilang tatay sa mga young stars.

AUTHOR PROFILE