Ang agwat ng patakaran sa Edukasyon at pagpapatupad nito

July 24, 2021 Magi Gunigundo 75 views

Magi GunigundoSA kabila ng mga batas na may mabuting layunin na mapaginhawa ang buhay ng mga Pilipino, hindi maramdaman ng taong bayan ang ipinangakong magandang epekto ng reporma ng patakaran sapagkat nananatili pa rin malaki ang diperensya ng patakaran sa pagpapatupad nito ng ating pamahalaan.

Halimbawa na ang Enhanced Basic Education Act of 2013, kilala bilang K to 12 law ( RA 10533) na tampok ang Mother Tongue Based Multi Lingual Education( MTBMLE) na nagbasura sa walang kwentang uri ng bilinguwalismo sa edukasyon. Ayon sa Korte Suprema, ang repormang ito ay sumasang-ayon sa Saligang Batas ng 1987.

Kinilala ni Randy David (July 11,2021) na ang MTBMLE ang bandilang programa ng K to 12 law sapagkat winawasto nito ang isang malaking pagkakamali sa sistema ng edukasyon ng mga Pilipino na hindi maunawaan ang kahulugan ng kanilang binabasa, at di maiugnay ito sa alam na nila, kahit na wasto ang tunog ng kanilang pagbigkas ng banyagang wika na hindi nila ginagamit sa kanilang mga tahanan.

Nasa isip ng mga kontra sa MTBMLE na ang pag-alis ng Ingles bilang wikang panturo ay magiging katumbas ng pagkawala ng ating lamang sa wikang ipinagkaloob sa atin ng kolonyalismong Amerikano – ang wikang pandaigdigan.

Nililiwanag natin na ang MTBMLE ay hindi anti-English at hindi rin kontra sa Filipino. Ang pilosopiya ng MTBMLE ay pantay-pantay ang pagtingin sa lahat ng wika na kasangkapan para matuto ang estudyante at lahat ay makasama sa pag-unlad ng kaisipan.

Ang pagmamalaki ng mga Pinoy na nakakaunawa sa Ingles kahit duguin ang ilong ay bumuo ng paniniwala na ito ay isang kalamangan na nakakaakit ng banyagang negosyo at mga dayuhang turista. Pinapabulaanan ito ng mga datos na maliwanag na nagsasabing hindi pa rin tayo ang pangunahin destinasyon na nais puntahan ng turista at negosyo. Halimbawa na dito ang Thailand at China na kapiranggot lang ang nakakapagsalita ng Ingles.

Hindi mabibilang ang laki ng pinsala na dinulot ng matigas na pagpipilit sa Ingles bilang wikang panturo at pagsusulit. Pinilipit nito ang proseso ng pag-aaral. Nabansot ang Human Capital development ng mga Pilipino. Marami sa mga nagtapos sa kolehiyo ay hindi matatas sa Ingles at sa Filipino. Pinapanatili nito ang malawak na pagkakaiba sa kultura at antas ng pamumuhay sa pagitan ng kakaunting mayaman at pagkarami-raming mahihirap.

Sa ika-21 siglo sumibol at namamayagpag ang ika-apat na rebolusyong pang-industriya na nagluwal ng digital technology na nagbago at patuloy na binabago ang paraan ng pag-iisip, pagtratrabaho at pag-aaral sa mga paraang hindi natin sukat akalain na magaganap. Mahihirapan ang kabisote na magtagumpay sa mundo ng paggawa sapagkat ang trabahong nararapat sa kanya ay inako na ng artificial intelligence. Ang impormasyon na dati rati’y nasa loob ng silid aklatan ( tulad ng mga encyclopedia at almanac, official gazette at SCRA), ay nasa dulo na lang ng ating mga daliri sa pagpindot sa Google, Bing, Safari at iba pang search engines. Bitbit mo na sa iyong mobile device ang iyong trabaho upang makapaghanapbuhay ng hindi umaalis ng tahanan. Ang harapan sa klase, negosyo, kumbensyon, forum, seminar ay maaaring idaos na online sa Zoom, Google meet , teams at iba pang platform. Ang mga bisita mula sa ibang bansa at malalayong sulok ng Pilipinas ay hindi na kailangan maglakbay para dito.

Dahil sa laki ng pagbabagong ito, hindi na uubra ang sistema ng edukasyon na pang ika-20 siglo na nakadisenyo para maglabas ng mga nagsipagtapos na may katamtamang kakayahan na magbasa , magsulat at magbilang para maging manggagawa sa pabrika , bodegero, piyon, kargador at mga clerk, mensahero, operator ng telepono, at dyanitor sa opisina. Pinapakita ng PISA 2018, TIMMS 2019 at SEA-PLM 2019 kung gaano kasahol ang sistema ng ating edukasyon na hindi na akma sa ika-21 siglo.

Sa kasalukuyan, walang garantiya ang isang nagtapos sa paaralan na magkakaroon ng trabahong disente at maayos ang suweldo. Ang mundo ng trabaho ay humihingi ngayon mula sa mga aktor nito ng apat na C: kritikal na pag-iisip, pakikipagtulungan, komunikasyon at pagkamalikhain. Mahalaga ang mga ito upang magkaroon ng mas mataas na mga kasanayan sa pag-iisip (higher order thinking skills) na nakatungtong sa kaalaman ng bakit at paano. Hindi sapat na alam lang ng manggagawa ang sagot sa ano, kailan, saan at sino na para lang sa mga kabisote. Ang matalas na pag-iisip ay nakakapag-isip sa labas ng kahon upang bumuo ng mga ideya upang lumikha ng mga solusyon sa mga problemang hindi pa nakatagpo ng sankatauhan sa nakakaraang panahon. Halimbawa na rito si Katherine Johnson ng NASA noon 1960s na nagkalkula ng flight trajectories ng Project Mercury na nagpadala ng tao sa buwan.

Ayon kay Marlen Ronquillo (July 11,2021) sa pagkabigo ng DepEd na maipatupad ng maayos ang MTBMLE, ang mga dinastiya ng mga pulitiko ang nagpapalakpakan at nagtatalon sa tuwa sapagkat patuloy nilang mabobola ang mga botante na pinapurol ang ulo ng mga paaralan. Sana ang susunod na Pangulo sa 2022 ay malalim ang pagkaunawa sa problema ng edukasyon at magkaroon ng tapang na ipatupad ng maayos ang MTBMLE.

AUTHOR PROFILE