Default Thumbnail

Ang 95 Theses ni Martin Luther at indulhensiya

October 22, 2022 Magi Gunigundo 1977 views

Magi GunigundoTATLONG taon lamang ang naghihiwalay sa pagpako sa pintuan ng simbahan sa Wittenburg, Germany ng “95 theses” ni Martin Luther noong Oktubre 31, 1517 at sa pagtuklas ni Ferdinand Magellan sa Pacific Ocean noong 1520. Sa loob ng ilang taon, ang relihiyosong pagkakaisa ng kanlurang Europa at ang mga lumang katiyakan na bawal salungatin ng panahong “medieval” tungkol sa Langit at lupa ay gumuho.

Noong mga panahong iyon, maraming tao ang may malawakang hinaing sa simbahang katoliko at matindi ang panawagan ng reporma. Tuloy, madaling lumaganap at niyakap ng madla ang mga ideya ni Martin Luther. Ang mga pangunahing batikos ng mga kritiko ng simbahang katoliko ay nakatuon sa tatlong problema: “clerical immorality”, “clerical ignorance”, at “clerical pluralism” (ang kaugalian ng paghawak ng higit sa isang katungkulan sa simbahan, kinukubra ang sweldo para sa mga puwesto subalit hindi naman nagagampanan ang mga tungkuling ispirituwal ng puwesto ) . Totoo naman na mayroon pari, monghe at madre ang namuhay ng banal at buo ang debosyon, pag-aaral, at paglilingkod sa Diyos at tao. Ngunit alam din ng lahat ang mga kuwento tungkol sa mga salbaheng monghe, malibog na mga madre, at sakim at walang pinag-aralan na mga pari.

Si Martin Luther ay naniniwala na ang kaligtasan ng tao ay sa pamamagitan ng pananampalataya na isang libreng biyaya ng Diyos, hindi resulta ng pagsisikap ng tao. Bukod dito, ang salita ng Diyos ay inihayag lamang sa banal na kasulatan, hindi sa mga tradisyon ng simbahan. Samantala, pinahintulutan ni Papa Leo X ang pagbebenta ng isang espesyal na indulhensiya ni San Pedro upang tustusan ang gastusin sa itinatayong mga gusali sa Roma. Si Arsobispo Albert ng Mainz ay isang masigasig na tagapagtaguyod ng indulhensya. Ang indulhensiya ay isang dokumento na pirmado ng Papa, Obispo o Pari, na nagbabawas ng penitensiya o oras sa purgatoryo ( lugar kung saan ang mga kaluluwang patungo sa langit ay nakabinbin, upang malinis pa ang kanilang mga kasalanan sa lupa) na pakikinabangan ng taong bibili nito. Pinapagamit ng indulhensiya ang bisa ng banal na gawain na nasa “baul ng mga merito”- isang koleksyon ng lahat ng mabubuting gawa ni Kristo, ng mga apostol, at ng mga santo. Ang slogan, ” the moment a coin rings in the coffers, a soul springs from purgatory “, ay nagpalakas ng benta ng mga indulhensiya.

Si Luther ay lubhang nabagabag sa paniniwala ng maraming tao na hindi na nila kailangan pang magsisi kapag sila ay nakabili ng mga indulhensiya. Ito ang nagbunsod kay Luther na lumiham kay Arsobispo Albert at laman nito ang kanyang 95 theses na pinupuna ang indulhensiya na nagpapahina sa sakramento ng penitensiya, nakipagkumpitensya sa pangangaral ng Ebanghelyo, at binalewala ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa sa buhay Kristiyano. Ito rin ang ipinako sa pintuan ng simbahan sa Wittenberg Castle noong Okt 31, 1517, limandaan at limang taon na ang nakakalipas.

Ang reporma sa relihiyong katoliko na sinimulan ni Luther ay madalas na nakikita bilang isang pangunahing elemento sa paglikha ng “modernong” mundo. Nagsilbing inspirasyon nila Martin Luther ,Uldrich Zwingli , John Calvin at iba pa sa ika-16 na siglo ang mga istratehiya ng sinaunang simbahang Kristiyano. Nakipagtulungan sila sa mga makapangyarihang pulitiko na may pera at armas upang mapalaganap ang pagbabago sa relihiyon. Sa loob ng isang dekada ng kanyang unang paglimbag ng kanyang mga ideya (gamit ang bagong teknolohiya ng palimbagan), karamihan sa mga kaharian sa gitnang Europa at Scandinavia ay umalis sa simbahang katoliko at naging Protestante o Lutheran.

Ang mga naunang pinuno ng simbahan kristiyano noong ika apat na siglo, ay naging tagapayo at katoto ni Reyna Elena at ng kanyang anak na Emperador Constantino upang ang Kristiyanismo, na dati’y inuusig na pananampalataya, ang maging opisyal na relihiyon ng imperyo ng Roma. Ang paglaganap ng simbahang Katoliko at ang paglaganap ng protestantismo ay parehong naisakatuparan sa pamamagitan ng pangangaral, panghihikayat, at pagtuturo, at sa pamamagitan din ng puwersa at karahasan.

Ang reporma sa relihiyon ay malapit din nauugnay sa madalas na nakikitang ikatlong elemento ng “modernong” daigdig: paggalugad at kolonisasyon ng mga Europeo. Isang linggo lamang matapos tumayo si Martin Luther sa harap ni Emperador Carlos V sa Diet of Worms at nagdeklara ng kanyang kalayaan sa simbahang katoliko, pinatay naman ni Lapu-lapu si Ferdinand Magellan.

AUTHOR PROFILE