Default Thumbnail

Libreng medical at dental services para sa batang mahihirap at batang lansangan, iminungkahi ni Senador Jinggoy Estrada

October 22, 2022 Marlon Purification 361 views

Marlon PurificationMAGANDA ang panukala ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na naglalayong atasan ang lahat ng health institutions sa bansa na magbigay ng libreng serbisyo sa mga mahihirap at mga batang lansangan na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon pati na ng dental treatment.

Ani Estrada, sa kabila ng pagsasabatas ng Anti-Hospital Deposit law, mayroon pa ring mga ospital na patuloy na naniningil ng paunang bayad bilang kondisyon bago magsagawa ng kaukulang basic emergency care.

“Dapat nang matigil ang mga ganitong gawain sa pamamagitan ng pagkakaroon ng batas na mag-aatas sa mga pribado at pampublikong ospital at klinika na magbigay ng libreng serbisyong medical at dental sa mga mahihirap na bata at parusahan ang mga lalabag dito,” aniya.

“Sa pamamagitan lamang ng isang kongkretong batas maaari nating makamit ang mga prinsipyo at patakarang hinahangad na maipatupad ng iba’t ibang batas na nagsusulong para pangalagaan ang mga karapatan ng bata,” dagdag ni Estrada.

Sa paghahain ng Senate Bill No. 1107 o ang panukalang Indigent Children Free Medical and Dental Service Act, binanggit ng senador ang Article XV, Section 3 (2) ng Konstitusyon at ang PD 603 o ang Child and Youth Welfare Code on the Rights of the Child na parehas na nagtitiyak ng mga karapatan ng lahat ng bata sa bansa nang walang pagtatangi at diskriminasyon.

Saklaw sa panukalang batas ni Estrada ang mga batang edad 18 pababa na walang pantustos, maging ang kanilang mga magulang o tagapag-alaga, sa kanilang agarang medikal na pangangailangan at dental treatment.

Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng ospital, medical at dental centers, clinics at iba pang institusyong pangkalusugan na nagbibigay ng frontline medical services sa buong bansa ay maaatasan na magbigay ng libreng medical treatment at dental healthcare sa mga mahihirap na bata.

Tutukuyin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung talagang mahirap ang bata habang ang Department of Health (DOH) ay makikipag-ugnayan sa pagpapatupad ng libreng serbisyong medical at dental services para sa mga mahihirap na bata.

Sa ganang akin, maganda ang panukalang ito.

Mas maganda rin kung sakaling ipatupad ito ay makatuwang ng national government ang lahat ng local government units, patungo sa pinakamaliit na institusyon na barangay dahil sila ang unang makapagpatunay kung sinu-sino sa mga bata ang nangangailangan ng agarang tulong mula sa pamahalaan.