Robin1

Aksyon, Hindi Drama: Tugon sa Sakuna

August 1, 2022 People's Tonight 403 views

RobinHINDI pa man tayo lubos na nakakabangon sa hagupit ng pandemya, niyanig pa tayo ng isang Magnitude-7 na lindol nitong Miyerkules, Hulyo 27. Kumbaga sa pelikula, “back-to-back” na sukdulang pahirap ang ating kwento. Tila ba talagang sinusubok ang tatag ng loob at pananampalataya nating mga Pilipino.

Nais man natin isiping isa lamang itong eksena sa teleserye o takilya, totoo ang hirap at pangamba sa peligro ng kalamidad. Personal po natin itong nadama sa pagbisita namin ng butihing Senador Bong Go sa sentro ng lindol sa Lagangilang, Abra at mga katabing bayan ng Bangued; at sa Vigan, Ilocos Sur nitong nagdaang Linggo.

Dinaluhan natin ang mga kababayan natin sa Hilagang Norte. Bumungad sa amin ang manaka-nakang pagyanig o aftershocks, bakas ng mga gumuhong gusali at bitak sa mga kalsada dulot ng lindol. Higit sa lahat, dama pa rin ang takot at pangamba sa mga apektadong resident.

Sinabayan natin ng pamamahagi ng relief goods at tents ang walang mintis na pagtugon sa mga biktima ng kalamidad ni Senator Go. Hatid ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, bitamina, face masks, damit, hanggang sa mga bisikleta, rubber shoes, basketball at volleyball, pinahatid natin ang suporta at pakikiisa sa ating mga kababayan sa Abra at Ilocos. Shukran sa ating mga kababayang mabilis na nagpahatid ng tulong. Isa na namang patotoo na sa panahon ng kagipitan, laging mangingibabaw ang diwa ng bayanihan.

Agarang Aksyon

Tiwala tayo na uusad agad ang mga bayang hinagupit ng lindol dahil masigasig ang may hawak ng manibela.

Sinimulan na nang masinsing pagtitimon ni Pangulong Bongbong Marcos na sinigurado agad na maibabalik ang kuryente at mabubuhusan ng ayuda ang mga apektadong komunidad.

Sinundan ito ng Kalihim ng DSWD na si Erwin Tulfo na kagyat na nag-abiso na hindi maiipit ang relief goods para sa mga biktima. Sa mga residente na ganap na nasira ang tahanan, maasahan ang hanggang P10,000 na ayuda mula sa programang Aid to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.

Mahusay ang pagkumpas na marapat susugan ng tuloy-tuloy na aksyon. Ito ang hamon na tinugunan ng pamunuan ng mga apektadong lokal na pamahalaan.

Sa Abra, tutok si Bangued Mayor Mila Valera, Lagangilang Mayor Ruby Villamor, Governor Dominic Valera, Vice Governor Joy Valera Bernos, Congresswoman Ching Bernos, kasama ang lupon ng konseho sa relief at recovery operations.

Ganun din naman sa Ilocos Norte sa ilalim naman ng pamunuan ni Gov. Jerry Singson at Vigan Mayor Bonito Singson.

Konkretong Solusyon

Sa ating palagiang pagresponde sa sakuna, batid natin ang pangunahing pangangailangan ng mga biktima: maagap at kalidad na pagtugon ng gobyerno at personal na pagbibigay ng suporta sa mga nasalanta.

Malinaw sa atin ang datos: ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire at kaakibat nito ang pagputok ng mga bulkan at banta ng lindol. Tayo rin ay nasa landas ng bagyo, kung kaya halos 20 bagyo ang dumadaan sa ating teritoryo kada taon — lima dito ay tinatayang nasa kategorya ng lubos na mapaminsalang unos taun-taon.

Higit sa paghahanda, kailangan natin ng konkretong solusyon para sa epektibong pangangasiwa sa dagok ng kalamidad sa ating bansa.

Marapat na tutukan ang disaster resiliency at umalagwa sa relief at rescue operations. Ang ating polisiya— dapat nakasentro sa pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan at programa para sa disaster preparedness, mitigation, at resiliency.

Kaya naman pursigido din tayo na isulong ang pederalismo sa bansa. Tiyak natin: sa sistemang pederal, ang mga estado ay may kapangyarihan na magtakda ng sarili nilang batas, pondo, at pamamahala upang matugunan ang anumang kalamidad at malimit ang pinsalang dulot nito.

Kailangan na nating kumawala sa mga pasilidad at bahay na hindi weather-resilient, pagtitiis ng ating mga kababayan sa disaster-prone areas, at patuloy na pagbabalewala sa polisiya ng land use at climate change sa bansa.

Napapanahon rin ang ating panukalang Mandatory Reserve Officer Training Corps (ROTC) para mahasa ang ating mga kabataan sa paghahanda at pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakuna tulad ng lindol.

Mashallah, sa konkreto at mabilis na tugon ng gobyerno at taumbayan, tuloy-tuloy ang ating paghilom mula sa sakuna. Sa mga kababayan nating biktima ng lindol: Agmaymaysatayo a bumangon manipud kadaytoy a pannubok.

AUTHOR PROFILE