Baka sa huli, tayo rin ang kawawa
BAGO ang lahat, binabati muna natin ng isang maingay na ‘congratulations’ ang ating bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff, Lt. General Bartolome Vicente ‘Bob’ Bacarro, na alam nating bukod sa pagiging isang mahusay at magaling na lider at sundalo ay isa sa mga natatanging ‘living legend’ ng ating Sandatahang Lakas bilang ‘Medal of Valor’ awardee.
“Nakasama” natin si Lt. Colonel Bob Bacarro ‘nung siya pang ang ‘BatCom’ ng 1st Infantry Battalion, 202nd Brigade, 2nd Infantry Division, na ‘nakaposte’ noon sa Rizal Province. Siya ang kasalukuyan na Southern Luzon (Solcom) area commander bago ang kanyang pag-akyat ngayon bilang lider ng buong AFP. Mabuhay, ka, Gen. Bob!
Pagbati na rin sa iba pang mga bagong appointees ni PBBM, katulad nina NBI director Medardo Lemos at, PNP Chief P/Lt. General Rodolfo Azurin at siyempre, sa bagong NIA administrator, Benny Diaz ‘Bentot’ Antiporda!
Oops! Pakikiramay din sa pamilya at mga kaibigan ni dating Pang. Fidel Valdez Ramos, aka, ‘FVR/Tabako’ na pumanaw noong Linggo matapos umanong mabiktima ng COVID.
Sandamakmak ang mga papuri ngayon sa pagpanaw ni FVR sa edad na 94 at ayaw naman nating masabing tayo ay ‘KJ’ (kill joy). Bagaman, huwag din sanang kalimutan ang kanyang mga naging sablay na ang masamang epekto ay tayo pa rin ang nagdurusa hanggang ngayon.
Sa kanyang panahon, wala na siyang ginawa kundi magbenta ng magbenta– National Steel, Petron, Fort Bonifacio, etc.– tama ba, dear readers? Kaya nga bukod sa ‘FVR’ at ‘Tabako,’ kilala rin siya bilang si… ‘Boy Benta,’ ahahay!
***
Nasa Pinas na pala ang isa pang virus, ang ‘monkeypox,’ ayon na rin sa pahayag ng DOH nitong Hulyo 29. Nauna nang idineklara ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox bilang global public health emergency.
Ibig sabihin lamang nito isang seryosong sakit na maituturing ang monkeypox bagamat hindi ito kasing bilis o lala ng COVID-19. Pero kung ganito nakikita ng WHO ang monkeypox masasabi nating hindi ito makontrol sa ngayon ng mga bansa ang pagkalat nito.
Sinabi na rin ng DOH na nakahanda umano ito kung sakaling makapasok ang monkeypox sa bansa. Pero sa ganang atin, parang ganito rin ang naging pahayag ng DOH bago makapasok ang COVID-19. Hindi nito napigilan ang pagdami at pagkalat ng nasabing virus.
Sana lang magawang makontrol ito agad ng DOH, dahil kung hindi baka mapunta na naman tayo sa ayaw nating lockdown. Ang sabi lang ni Pangulong Bongbong Marcos, hindi na nito gagawin ang mga lockdown sa COVID. Pero baka sa monkeypox naman tayo ma-lockdown.
Pero nakikita naman natin na naghahanda ang DOH para sa monkeypox kung sakaling makapasok nga ito sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nakikipag-usap na (daw) ang DOH sa US Agency for International Development (USAID) para makakuha ng bakuna at gamit na posibleng paglaban sa monkeypox.
Kung sakaling magbigay nga ang USAID ng donasyon sa Pilipinas para sa monkeypox, sana nga ay gagawin nila ito bilang sinserong tulong sa atin. Sana ito ay nasa diwa ng tunay na paglaban at pagkontrol sa paglaban ng naturang sakit.
Dahil alam naman natin ang kasaysayan ng pagtulong ng US sa mga bansa partikular sa Pilipinas. Hindi nila ito ginagawa ng walang interes o kapalit. Nakita natin kung paano gamitin ng US ang kanilang ‘tulong’ para pabanguhin ang kanilang interes.
Lalo na ngayon na may tensyon na namamagitan sa Estados Unidos at China.
Habang lumalawak ang kapangyarihan ng China at nagsisimula nitong angkinin ang halos buong South China Sea nagsisimula itong makaroon ng hindi magandang relasyon sa mga karatig na bansa sa Asya. Kasama na dito siyempre ang Taiwan at malaki ang nawawala sa US sa kanilang pakikipagkalakalan sa nasabing bansa.
Ibig sabihin lamang nito, naaapektuhan ang pang-ekonomiyang interes ng US sa paglakas ngayon ng China. Kaya naman hindi maitatangging may malaking hidwaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa ganitong sitwasyon, nais pabanguhin siyempre ng US ang sarili nito sa mga Pilipino upang maging popular at magamit ang bansa laban sa China.
Ang problema, maganda na po ang relasyon natin sa bansang China. Magmula nang maupo si dating Pangulong Duterte mas pinatatag nito ang relasyon ng Pilipinas at China. Dahil po wala po sa interes ng Pilipinas ang makisangkot sa gulo ng dalawang bansa.
Mas ikabubuti na po ng Pilipinas ang maging mabuti sa dalawang bansa kesa mamili sa isa at makipag-away sa isa. Wala pong magandang maidudulot sa Pilipinas kung papasok ito sa gulo.
Hindi po dapat magpagamit muli ang mga Pilipino sa US tulad ng ginawa nila sa ating kasaysayan.
Totoo pong kailangan natin ang tulong ng ibang bansa para malampasan natin ang pandemya ng COVID-19. Marami pong tumulong sa ating mga bansa kabilang ang US at China.
Sa pagkakaroon ng bagong banta sa kalusugan ng mamamayan, kakailanganin ulit natin ang kanilang tulong dahil wala naman tayong ginagawa para mapaunlad ang ating kakayanan upang makagawa ng bakuna.
Pero ang pagtulong ay isang politikal na gawain para sa mga may kapangyarihan. Gustuhin man natin pero talagang may politika ang mga ibinibigay na tulong ng mga bansa sa atin.
Kaya naman hangga’t hindi tayo nakakagawa ng sarili nating mga bakuna, patuloy tayong aasa sa ibang bansa at ang kapalit minsan ay mga bagay na mas ikinapapahamak natin.
Maging maingat sana sa mga pinapasok na kasunduan, kung ito ba ay pagtulong o may gusto silang interes na mahirap mahindian kung sakaling magkasubuan.
Baka sa huli, tayo ulit ang kawawa.