BAMBBIF

ABS-CBN, wagi ng Best TV Station

October 18, 2021 Vinia Vivar 498 views

Isang malaking tagumpay ang virtual awarding ng 34th Star Awards for TV na ipinalabas noong October 17 sa STV at RAD channels.

Ang cut-off ng mga TV show na ni-review ay mula September 2019 hanggang August 2020.

Dahil dito, kasali pa rin ang mga palabas sa ABS-CBN 2 bago nawalan ng prangkisa.

Tinanghal na Best TV Station ang ABS-CBN 2 habang sina JM de Guzman at Sylvia Sanchez naman ang nagwaging Best Drama Actor at Actress, respectively.

Panalo si Sunshine Dizon sa Best Single Performance By An Actress at si Seth Fedelin ang nakakuha ng Best Single Performance by An Actor.

Best Supporting Actor at Actress sina Roderick Paulate at Aiko Melendez.

Nakopo rin nina Vic Sotto at Manilyn Reynes ang Best Comedy Actor at Comedy Actress.

Ang loveteam nina Seth Fedelin at Andrea Brillantes (SethDrea) ang recipient ng German Moreno Power Tandem of the year. Pinarangalan din si Boy Abunda ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award.

Si Korina Sanchez naman ang ginawaran ng Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award.

Nagsilbing hosts sina Congressman Alfred Vargas at Sanya Lopez. Ang mga performer ay sina Zsa Zsa Padilla, Gerald Santos, Ima Castro at Christian Bautista.

Ang 34th PMPC Star Awards For Television ay sama-samang binuo ng mga officer at members, sa pangunguna ng presidenteng si Roldan Castro. Katuwang ng club sa pagdiriwang ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pangunguna ni Chairperson Liza Diño-Seguerra.

Parte rin ng tagumpay ang Beautedem ni CEO at president na si Rhea Anicoche-Tan sa ilalim ng direksyon ni Pete Mariano.

AUTHOR PROFILE