Default Thumbnail

Abortion clinic’ pwedeng walk-in o home service

May 9, 2021 Melnie Ragasa-limena 526 views

NABISTO ng pulisya ang isang bahay na diumano’y ginagawang abortion clinic matapos na magpanggap na “kliyente” ang isang babaeng pulis bunsod ng isang report na may nag aalok umano ng abortion sa isang social media account.

Sa report ng Crime Investigation Section ng Quezon City Police District ginawa ang isang entrapment operation matapos makatanggap ng report na may nag-aalok umano ng “abortion” sa isang social media page.

Nakasaad sa nasabing social media page na maaaring mamili ang kliyente kung “home service” o sa kanilang clinic gagawin ang naturang serbisyo.

Isang babaeng pulis ng QCPD-CIS ang nagpanggap na buntis at nakipagtransaksiyon sa nasabing social media account.

Napagkasunduan umano ng nasabing pulis at suspek na si Rosa Tabuso, 69, na mangyayari ang abortion sa kaniyang tahanan sa Commonwealth, Quezon City sa halagang P12,000.

Bandang 9:30 ng gabi noong Mayo 7, 2021, sinundo umano ang kliyente ng dalawang lalaki na kinilalang sila Lito Calipusan, 42, at kaniyang kapatid na si Rolando Calipusan, 24.

Isang batang babae edad labing isa naman ang nagturo sa bahay kung saan gaganapin ang abortion.

Agad na sinalakay ng mga operatiba ng QCPD-CIS ang nasabing bahay matapos na tanggapin ni Tabuso ang marked money na P12,000 na dapat ay pambayad sa serbisyo.

Naaresto si Tabuso pati na ang magkapatid na sina Lito at Rolando.

Nakatakda naman na i-turn over sa DSWD ang menor de edad na kasabwat umano ng mga suspek.

Kasong paglabag sa RA 10354 (Reproductive Health Law or RH Law ), RA 7610 Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, RA 10364 Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Estafa ang nakatakdang isampa sa mga suspek sa Quezon City Prosecutors Office.