9-talampakang sawa nakita sa makina ng kotse sa QC

November 29, 2021 Melnie Ragasa-limena 97 views

NATAGPUAN ang isang siyam na talampakang sawa sa makina ng isang nakaparadang kotse sa Madasalin St.,Brgy. Teacher’s Village East, Quezon City nitong Lunes ng hapon.

Agad na nagpasaklolo ang may-ari ng sasakyan sa mga kapitbahay at tumawag sa Search & Animal Rescue Unit ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) sa lungsod.

Nahuli naman ang sawa at agad na nai-turn over sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa QCDRRMO, posibleng nanggaling sa natutuyuan nang creek ang sawa at lumabas upang maghanap ng makakain.

Nahintakutan naman ang mga residente sa nasabing lugar dahil hinala nila ay may mga kasama pa ang nahuling sawa na maaaring sumalakay sa kanilang mga tahanan lalo na sa gabi kung kailan tulog na sila.