Default Thumbnail

9-anyos nalunod dahil sa tsinelas

April 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 265 views

NALUNOD ang isang siyam na anyos na paslit habang sinasagip ang kaniyang tsinelas na nahulog sa ilog sa Quezon City nitong Sabado ng hapon.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District narekober ang bangkay ng biktimang si Kyle Duazo Eturma, residente ng Brgy. West Fairview, Quezon City bandang 1:30 p.m., April 15, 2023, sa Mustang Creek sa Brgy. Fairview, Quezon City.

Napag-alaman na nakitang nakikipaglaro ang bata malapit sa nasabing ilog kasama ang ilang kaibigan.

Makalipas ang ilang minuto ay naglakad-lakad umano ang biktima kasama ang kanyang mga kalaro sa gilid ng ilog.

Habang naglalakad sa pampang ay bigla umanong nahulog ang tsinelas ng biktima sa ilog.

Lumangoy umano ang biktima upang sagipin ang kaniyang tsinelas, ngunit ito ay nalunod.

Agad na umuwi ang kalaro ng biktima at humingi ng tulong.

Ilang kapitbahay ang nagsagawa ng search and rescue operation at makalipas ang isa’t kalahating oras ay natagpuan ang bangkay ng biktima sa pinakamalalim na parte ng ilog.