Default Thumbnail

2 pekeng taga-Maynilad nangotong, kulong!

April 16, 2023 Edd Reyes 290 views

DINAKIP sa entrapment operation ng pulisya ang isang factory worker at kassamang ginang matapos nila umanong takutin ang kikilan ang 65-anyos na fish vendor hinggil sa umano’y pag-tamper sa metro na tubig sa kanyang tirahan sa Navotas City.

Unang naaresto nina P/Capt. Luis Rufo, hepe ng Intelligence Section ng Navotas police, kasama ang mga tauhan ni P/Lt. Jerome Espinas, deputy commander ng Navotas Police Sub-Station 3 si Ralph Vincent Bernardo, 37, ng 1244 Sto Niño St., Moriones Brgy 43, Tondo, Manila dakong 4:50 p.m. nitong Sabado sa loob ng sangay ng Jollibee sa Agora, Brgy. NBBS, matapos tanggapin ang P45,000 na markadong salapi na kinabibilangan ng limang P1,000 genuine bill at 40 piraso ng boodle money.

Sa follow-up operation ng pulisya, nadakip si Jacqueline Ti, 45, sa kanyang tirahan sa 920 Sister Concepcion St.,Tondo makaraang inguso na rin siya ng naarestong si Bernardo.

Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. nagtungo sa bahay ng biktimang si Gilbert Ramirez, sa 702 M. Naval St., Brgy. Navotas East sina Bernardo at Ti noong Abril 2 na kapuwa nagpakilalang kawani ng Maynilad Water Services at sinabihan ang biktima na magbayad ng P50,000 bilang multa sa ginawang pag-tamper ng kanilang water meter.

Natakot si Ramirez kaya’t nagbigay ng pang-unang bayad na P5,000 subalit sinabihan siya ng dalawa na mabubura lamang ang pagbabayad niya ng multa at pagsasampa ng kaso laban sa kanya kung ibibigay ang balanse na P45,000 hanggang Abril 15, 2023, na inayunan ng biktima.

Gayunman, nagpasiyang magsuplong sa pulisya si Ramirez kaya’t iniutos ni Col. Umipig ang pagsasagawa ng entrapment operation laban sa dalawa na nagresulta sa kanilang pagkakadakip at pagkakakumpiska sa markadong salapi na ginamit sa ikinasang patibong.

Sinabi nina P/SSgt. Billy Godfrey Aparicio at P/SSgt Reysie Peñaranda, may hawak ng kaso, na inihahanda na nila ang mga dokumento para sa paghahain ng kasong Robbery Extortion laban sa dalawa sa Navotas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE