8 ‘flying’ voters tiklo sa Ermita

April 30, 2022 Jonjon Reyes 151 views

IPINADAMA ng korte na may paglalagyan ang sino mang magbenta ng boto o yung mga “flying” voter’s makaraang pag-aarestuhin ang walong individual dahi sa kasong paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code of the Philippines.

Ayon kay P/Major Philipp Ines, hepe ng MPD (Manila Police District) Public Information Office, taong 2018 lumabas ang warrant of arrest laban kina Mikko Tero, Miraluna Abelay, Gerald Evangelista, Philip Regodo II, Crystal Rapel, Stella Pinohon, Villa Regodo, at Jomar Rasonabe pero nitong Abril 26 lamang sila sabay-sabay na naaresto sa San Marcelino St., Ermita sa Maynila.

Base sa ulat ni Major Ines, nakauwi na ang walong suspect matapos piyansahan ng tig-P36,000 ng isang ‘di pinangalanang barangay kagawad nitong Abril 27.

Nabatid pa kay Major Ines na nagtataka sila kung bakit sama-sama sa isang lugar ang walo nang sila ay maaresto sa kabila na hiwa-hiwalay ang kanilang warrant of arrest.

“Tinitingnan natin baka nalaman nila na meron na silang warrant of arrest at nagmi-meeting sila. Pinag-mimitingan nila kung paano ang gagawin nila kaya lang naunahan sila ng mga operatiba natin na mahuli. Kasi very unusual naman nahuli ka sa isang location,” pahayag pa ni Ines.

Nalaman na noong 2016 pa nahuli ang walo sa vote-buying at posible umanong ‘di dumadalo sa hearing ang walo kaya nag-isyu ng warrant of arrest ang korte.

Kasabay nito, pinaalalahanan naman ni Ines ang publiko na huwag maging flying voter dahil maaari silang makulong ng isa hanggang anim na taon.

AUTHOR PROFILE