Lolo, minanyak sariling apo

April 30, 2022 Edd Reyes 175 views

SINAMPAHAN ng kaso ng kanyang manugang na babae ang 55-anyos na lolo matapos pagnasaan ang 13-anyos na dalagitang apo sa Valanzuela City.

Hindi na binanggit ng pulisya ang pangalan ng suspek, pati na ang kanyang manugang at apo, upang mapangalagaan ang pagkatao ng estudyanteng dalagita na dumanas ng trauma sa kamay mismo ng kanyang lolo.

Sa ulat ng pulisya, habang mag-isang natutulog sa kanyang silid ang dalagitang biktima ay mamalayan niya ang mainit na kamay na humahaplos at humihimas sa mga maseselang bahagi ng kanyang katawan dakong alas-3 ng madaling araw nito lamang Miyerkules.

Nang magmulat ng mata ang dalagita, nasindak siya nang tumambad sa paningin ang kanyang lolo na kaagad ding lumabas ng silid nang magising ang pinagnanasaang apo.

Noon din ay lumabas ng silid ang dalagita at isinumbong sa kanyang ina ang kapangahasang ginawa sa kanya ng kanyang lolo kaya’t humingi sila kaagad ng tulong kay P/SMSgt. Roberto Santillan, nakatalaga sa Pulis sa Barangay (PSB) ng Malanday Police Sub-Station-6.

Dakong alas-4 ng madaling araw nang madakip ni Sgt. Santillan ang suspek na hindi na nagawang makaalis sa kanilang bahay.

Matapos mai-blotter sa Sub-Station 6 ang pagkakadakip sa suspek, dinala siya sa Valenzuela Police Women and Children Protection Desk (WCPD) na nag-imbestiga sa usapin at naghain ng kasong Acts of Lasciviousness laban sa manyakis na lolo sa piskalya ng Valenzuela.

AUTHOR PROFILE