DSWD

61,843 katao apektado ni Egay, Falcon sa Nueva Ecija

August 6, 2023 Steve A. Gosuico 194 views

CABANATUAN CITY–Aabot sa halos 61,843 katao sa 88 barangay sa Nueva Ecija ang naapektuhan ng habagat na hinatak ng bagyong Egay at Falcon, ayon sa Department of Social Welfare and Development sa lalawigan.

Ayon kay DWSD-Nueva Ecija social marketing officer Christer Carandang, humigit-kumulang sa P2-milyon na ang halaga ng pinagsamang relief goods at financial assistance ang naipamahagi sa naging biktima ng kalamidad.

Ayon pa kay Carandang, patuloy pa rin ang isinasagawang relief distribution sa mga lugar at lokal government units na humiling ng relief augmentation mula sa kanila.

Batay sa isinagawang assessment ng mga LGUs, aabot sa 226 na kabayahan ang naiulat na partially-damaged kung saan sa Carranglan ay may 211, sa Cuyapo mayroon 11 na bahay at apat naman sa Nampicuan.

Sinabi ni Carandang na handang tumulong ang DSWD sa mga kababayan natin na nasiraan ng bahay, kabilang ang 17 kabahayan na totally-damaged sa Carranglan.

Sa San Leonardo, natulungan ng ahensiya ang 28 pamilya na nasiraan at nawalan ng tirahan dahil sa pagguho ng dalisdis na kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

Nakatanggap sila agad ng family food pack, hygiene kit, sleeping kit, family kit, kitchen kit at modular tent mula sa DSWD, ayon kay Carandang.

AUTHOR PROFILE