PCG

China coast guard binira ng PH sa pambobomba ng tubig sa WPS

August 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 312 views

KINONDENA ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagma-maniobra at paggamit ng water cannons ng China Coast Guard (CCG) laban sa kanila habang inaalalayan ang bangkang naghahatid ng pagkain, tubig, gasolina at iba pang kailangan sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Batay sa ulat ng PCG, naganap ang insidente noong Agosto 5, 2023 habang naghahatid ng supply ang grupo sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Inaalalayan ng barko ng PCG ang mga indigenous boats na inupahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa nasabing misyon.

Paliwanag ng PCG, hindi lamang kawalan ng pakialam sa kaligtasan sa mga crew at pasahero ng barko ng PCG at mga bangka ang pambobomba ng tubig kundi maliwanag na paglabag sa international law kabilang ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) at 2016 Arbital Award.

Kaugnay nito, nanawagan si PCG spokesperson for the West Philippine Sea CG Commodore Jay Tarriela sa CCG na pigilan ang kanilang pwersa at irespeto ang karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic some at continental shelf.

Dapat ding iwasan na makahadlang sa freedom of navigation ng Plipinas at higit sa lahat ay papanagutin ang kanilang mga tauhan na nasa likod ng insidente.

“We ask that China Coast Guard, as an organization with a responsibility to observe state obligations under UNCLOS, COLREGs, and other relevant instruments of international maritime safety and security, to cease all illegal activities within the maritime zones of the Philippines,” pahayag ni Tarriela.