Default Thumbnail

4-anyos na babae tumawid, nasagasaan ng SUV, patay

March 27, 2024 Melnie Ragasa-limena 227 views

NASAWI ang apat na anyos na batang babae na bibili lang sana sa tindahan nang araruhin ng SUV habang tumatawid sa looban ng Brgy. Sta Lucia, Novaliches, Quezon City nitong Martes ng hapon.

Ang biktima ay nakatira sa 1 J. pangainiban St., Brgy. Sta Lucia, Novaliches, Quezon City.

Agad namang naaesto ang suspek na si Nikko Paragas, 30, binata, residente ng 365 E. Quintos St., Sampaloc Manila, at driver ng Toyota Fortuner Wagon na may plakang AGC-85, na nakaehistro sa isang Sherilyne A Leoncio, ng Montalban, Rizal.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector-2, bandang 5:00 ng hapon (March 26), nang maganap ang aksidente sa looban ng J. Panganiban St., sa Brgy. Sta Lucia, Novaliches, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg Romeo Manzon Jr., ng Traffic Sector-2, binabaybay umano ng suspek ang MH. Del Pilar St., galing J. Panganiban patungo sa JP. Rizal nang masalpok ng minamaneho niyang Toyota Fortuner Wagon ang bata na noon ay tumatawid sa looban ng barangay na patungo sana sa tindahan.

Agad na isinugod ang bata sa Novaliches General Hospital subalit idineklara na itong dead on arrival ng attending physician na si Dr. Elina Andrea S Lantion, bandang 5:48 ng hapon.

Nabatid na nagpaalam umano ang biktima sa kaniyang ina na may bibilhin lamang sa tindahan.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa driver.