NDRRMC

3M katao apektado ni Egay

August 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 186 views

PATULOY na lumulobo ang bilang ng mga naapektuhan ng magkasamang hagupit ng super bagyong Egay, Falcon at habagat sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 3,028,040 katao o 805,621 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng tatlong sama ng panahon mula sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayan, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Soccsksargen, Bangsamoro, Cordillera at Metro Manila.

Sa nasabing bilang, 57,226 katao o15,473 pamilya ang nasa 648 evacuation centers habang 229,831 katao o 57,000 pamilya ang nasa labas.

Nadagdagan pa ng dalawa ang nasawi na ngayon ay nasa 29 na at tumaas din sa 165 ang naiulat na nasugatan.

Umabot na rin sa P3,631,012,164 ang naiulat na pinsala sa agrikultura at P1,938,835 naman sa agrikultura.

Sa ngayon nasa 232 lungsod at munisipalidad na ang inilagay sa state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng mga bagyo at habagat.

Samantala, ilang apektadong pamilya ng mga bagyo ang natulungan sa pamamagitan ng emergency cash transfer o ECT.

Nasa 6,641 na pamilya na ang nabigyan ng emergency cash transfer ng DSWD sa Ilocos Norte nitong Huwebes, Agosto 3.

Nilinaw ng DSWD na unang yugto pa lamang ito ng kanilang pamamahagi ng ayuda sa rehiyon.