Default Thumbnail

3 ‘tulak’ ng iligal na droga huli sa Ecija

April 21, 2023 Steve A. Gosuico 316 views

CABANATUAN CITY – Tatlong hinihinalang “tulak” ng iligal na droga ang nasakote sa magkahiwalay na operasyon sa siyudad na ito at sa bayan ng Jaen nitong Huwebes ng gabi.

Dito sa lungsod, sinabi ni police head Lt. Col. Warly C. Bitog na tagumpay na tinugis ang dalawang suspek sa ipinagbabawal na gamot.

Naaresto ang dalawang suspek matapos umano makabili ang isang operatiba ng halagang P500 na shabu mula sa isa sa mga akusado sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Daan Sarile dakong 9:30 ng gabi (Abril 20).

Nahulihan umano ng sampung plastic sachets ng shabu samantalang dalawang sachets naman ang nakumpiska sa isa pang suspek.

Ayon kay Bitog, aabot sa kabuuhang 11.1 gramo ang nakumpiskang droga mula sa mga suspek na nagkakahalaga ng P75,480.

Samantala, sa isa pang drug sting sa Jaen, nadakip ang isang suspek, 22, helper, ng San Rafael, Tarlac City ayon kay police head Major Robert De Guzman.

Bukod sa isang plastic bag na may lamang pinatuyong marijuana na may timbang na 140 gramo at halagang P17,000 at markadong salapi, nakumpiska rin ang isang cal. 38 revolver at Yamaha Mio motorcycle mula sa suspek.

Nahaharap sa kaukulang kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10591 sa prosecutor’s office ang mga nahuling suspek.

AUTHOR PROFILE