Belmonte

3 QC public schools’ yards gagawing pro-nature

February 22, 2024 Cory Martinez 84 views

GAGAWING maka-kalikasang komunidad na ligtas sa heatwave at pagbaha ang bakuran ng Diosdado P. Macapagal Elementary School, Manuel L. Quezon Elementary School at Placido Del Mundo Elementary School sa Quezon City.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, isasagawa ang naturang proyekto matapos makilahok ang Quezon City sa bagong programang ‘OASIS (Openness, Adaptation, Sensitization, Innovation and Social Ties) Schoolyards’ Pilipinas.

Magkatuwang na inilunsad kamakailan ng Resilient Cities Network at Temasek Foundation ang programa para mapabuti ang kalidad ng edukasyon ng mga Pilipinong mag-aaral kasabay ng pagresolba sa mga hamon ng climate change.

Ang Paris, capital ng France, ang unang nagpatupad ng ‘OASIS Schoolyards’ bilang bahagi ng Paris Resilience Strategy para matugunan ang mga hamon ng climate change.

Batay sa prinsipyo ng OASIS, naging huwarang modelo na ito sa pamamagitan ng paggamit ng innovative solutions upang gawing matatag na komunidad ang mga bakuran ng paaralan laban sa climate change.

Sinabi ni Belmonte na ididisenyo ang mga bakuran ng mga paaralan katuwang ang mga awtoridad ng paaralan kabilang na ang mga mag-aaral, magulang at mga guro.

Ayon pa sa alkalde, gagamitin din ang mga bakuran ng mga paaralan bilang interactive learning tool para sa mga mag-aaral pati na para sa mga opisyal ng local government upang iangat ang kamalayan ng publiko hinggil sa climate change.

“Nagagalak kami na ang Quezon City ang siyang unang siyudad sa Asya na napili para sa ‘OASIS Schoolyards’ program, na sinusuportahan ng Temasek Foundation,” ani Belmonte.

AUTHOR PROFILE