Accident Dead on spot ang dalawang biktima nang magbanggaan ang tatlong behikulo sa kahabaan ng Paz Guanzon Street, Paco sa Maynila, habang nagmistulang nayuping lata ang tricycle na sumalpok sa isang pickup.

3 dedo sa banggaan ng pickup, trike, MC

November 19, 2023 Jonjon Reyes 249 views

Accident1TATLO katao ang patay nang magbanggaan ang tatlong behikulo Linggo ng madaling araw sa Paco, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Traffic and Enforcement Unit (MTEU), nakilala ang mga nasawi na isang 42-anyos na tricycle driver at pasahero nitong edad 46-anyos na pawang mga taga-Pandacan, Maynila, at isang 35-anyos na rider ng motorsiklo na housekeeper sa Quezon City.

Ayon sa report ng MTEU, binabagtas ng isang pickup na may plakang XLL 461 na minamaneho ng isang government employee na nakatira sa Malacañang Park, San Miguel, Maynila, ang westbound lane ng Paz Guanzon Street sa Paco.

Pagsapit nito sa may bandang harap ng Mitsubishi Motors ay sumalpok ito sa harapang bahagi ng sidecar ng minamaneho ng tricycle driver na nag-counterflow umano sa lane na binabaybay ng pickup.

Gayundin, ang kanang bahagi ng sidecar ng tricycle ay bumangga naman sa kaliwang bahagi ng motorsiklo na minamaneho ng isa pang biktima na bumabaybay naman sa kahabaan ng eastbound lane ng Paz Guanzon Street.

Sa lakas ng pagkakabangga, ang tricycle driver at pasahero nito ay tumilapon ng ilang metro at namatay noon din, habang mabilis na naitakbo sa Philippine General Hospital ang rider ng mga rumespondeng kawani ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.

Gayunpaman, idineklarang patay ni Dr. John Arvie Limbo ang rider makalipas ang dalawang oras.

Samantala, hawak na ngayon ng MTEU ang driver ng pickup at nahaharap ito sa kasong vehicular incident resulting in multiple homicide and damage to property with physical injury.

AUTHOR PROFILE