2 pulis na sangkot sa kidnapping tiklo
DINAKIP ng mga pulis ang isa nilang kabaro at kapatid nito na sangkot sa pagdukot sa isang Chinese sa isinagawang rescue operation Lunes ng umaga sa Pasay City.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano kay National Capital Region Police Office (NDRPO) Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, nasagip ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Froilan Uy ang biktimang si Zhou Yunqiing, 26, sa Qing Qing Hotel sa Figueroa St., Pasay.
Naaresto rin ang mga suspek na sina P/SSgt. Lodrgin Antonino, 23, na nagpakilalang nakatalaga sa Pasay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at nakababatang kapatid na si Nelson, 20, na kapuwa inabutan ng mga operatiba sa naturang hotel.
Lumabas sa imbestigasyon na nagtungo sa Pasay Police Sub-Station 3 sa Libertad St, ang Malaysian na si Law Yi Wei, 34, kaibigan ng biktima, upang humingi ng tulong kaugnay sa pagdukot ng mga suspek ng nagpakilalang tauhan ng CIDG matapos akusahan ng human trafficking.
Humihingi umano ng P500,000 ang suspek kay Law sa ipinadalang mensahe kapalit ng kanyang kalayaan.
Ipinadala rin ng suspek ang ID ng isang pulis na nagngangalang P/MSG John Reggie Reyes subalit larawan ng pulis na si Antonino ang nakalagay, pati na ang larawan ng babaing Chinese na nakaposas.
Nang isagawa ang pagsalakay, natiyempuhan pa ng pulisya ang pulis na si Lordgin sa lobby ng hotel at nang sitahin, sinabi nito na kasama siya sa isinasagawang operasyon ng CIDG sa naturang hotel.
Gayunman, nabuko ang palusot ng pulis nang itanggi ng SPD na mayroong operasyon ang CIDG at maging ang District Special Operation Unit (DSOU) sa naturang hotel.