2 nakamotor nabangga ng bus sa EDSA, dedo

January 21, 2022 Melnie Ragasa-limena 151 views

NASAWI ang isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo nang mabangga sila ng bus sa EDSA Busway sa bahagi ng Quezon City nitong Huwebes ng hapon.

Ang biktimang nakilalang si Leonilo Allia Roquino, nasa hustong gulang ay nasawi agad at kinalaunan ay binawian na rin ng buhay ang angkas niyang babae matapos isugod sa pinakamalapit na ospital.

Nasa kostudya ng ng mga awtoridad ang driver ng Jell Trans Inc. na may plakang NFZ-4748 na si Jonathan Villanueva, 50, may asawa at naninirahan sa B53 L13 Golden Horizon Villas 2, Trece Martirez, Cavite.

Sa report ng Masambong Police Station 2 (PS-2) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 1:10 ng hapon (January 20), nang maganap ang aksidente sa EDSA Southbound sa harapan ng Sebastian Motors, Brgy. Philam, Quezon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon nina PSMS Apolinar C. Duro Jr at PSSg Babes Bien O. Santos, kapwa binabaybay umano ng mga biktima sakay ng motorsiklo at ng bus driver ang southbound lane ng EDSA galing Balintawak patungong Cubao.

Subalit pagsapit sa nasabing lugar ay biglang umanong kumaliwa ang sinasakyang motosriklo ng mga biktima at nasalpok ng minamanehong bus ni Villanueva.

Ayon sa isang report, nagkamali ng direksyon ang mga biktima dahil sa mobile navigation app.