2 Nigerians, 3 Pinoy timbog dahil sa BDO hacking

January 21, 2022 Jonjon Reyes 85 views

HINDI na nakapalag ang umano’y grupo ng “Mark Nagoyo” makaraang bitbitin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang indibidwal kasama ang dalawang Nigerian nationals na responsable sa Banco De Oro (BDO) hacking na nakaapekto sa 700 kilyente ng banko.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang mga suspek na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas “Daddy Champ”, Chukwuemeka Peter Nwadi, Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa.

Batay sa ulat ng NBI Cybergcrime Division (NBI CCD), sina Anaekwe at Nwadi na kapwa Nigerian nationals ay nasakote sa entrapment operation nitong January 18 batay na rin sa natanggap na impormasyon mula sa isang impormante.

Lumutang sa NBI CCD ang impormante kaugnay sa ilang indibidwal na pinaniniwalaang lider o nauugnay sa “Mark Nagoyo Group.”

Sa inisyal na ulat ng NBI, ang naturang grupo ang nag-access ng mga bank accounts at nalimas ang mga pera ng mga kliyente. Sa email confirmation ng mga illegal transfer, ipinakita na isinagawa ang transaksyon ng isang “Mark D.Nagoyo.”

Nabatid sa impormante, na ang mga suspek ay nakikibahagi sa negosyo ng pagbibigay ng mga access device sa sinumang naghahanap ng mga opsyon para i-cash out ang mga pondong nakuha mula sa na-hack na accounts.

Ang mga access device na ito ay mula sa mga bank account, crypto wallet, o kahit na mga point-of-sale (POS) na terminal ng mga lehitimong merchant.

Dagdag pa rito, nang tawagan ng isang Mark Froilan ang impormante tungkol sa mga money cash out, nakipag-ugnayan ang huli kay Anaekwe alyas “Daddy Champ” na pagkatapos ay sinabing bibigyan niya ang impormante ng tatlong (3) magkakaibang mga account para makapaglipat siya dito ng P10 milyon bawat isa na tila tinutukoy ang mga pondo mula sa BDO.

Samantala nahuli rin si Jherom Anthony Taupa sa buy-bust operation sa Floridablanca, Pampanga dahil sa pagbebenta ng “scampage” o phishing website.

Napag-alaman na si Taupa umano ang mastermind ng Mark Nagoyo Heist.

Naaresto rin sa hiwalay na operasyon sina Panaligan at Revillosa na kapwa sangkot din sa BDO hacking bilang web developer at downloader.

Dahil dito, pawang nahaharap sa kasong Trafficking in Unauthorized Access Devices sa ilalim ng Section 9 of RA 8484 o mas kilala bilang Access Devices Regulation Act of 1998 ang mga suspects.

Sinampahan din si Taupa ng kasong Misuse of Devices sa ilalim ng Section 4(a)(5)(i)(aa) of RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. Nina Jon-jon Reyes, C.J Aliño & Hector Lawas

AUTHOR PROFILE